Ilegal Na Dog Fighting, Natimbog Ng Mga Awtoridad; Pasimuno Nito, Arestado

Lunes, Hulyo 14, 2025

/ by Lovely

 

Inaresto ng kapulisan ang isang lalaki sa La Paz, Tarlac matapos mabunyag ang kanyang iligal na operasyon ng dog fighting na isinasapubliko pa sa pamamagitan ng social media platforms.


Base sa ulat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), isang hindi nagpakilalang mamamayan ang nagsumbong sa mga awtoridad tungkol sa umano’y mapanirang aktibidad ng suspek na gumagamit ng iba’t ibang uri ng aso bilang kalahok sa marahas na laban.


Dahil sa sumbong na ito, agad na nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group – Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU) upang tugisin ang responsable. Sa isinagawang operasyon, matagumpay nilang nadakip ang nasabing lalaki at nasagip ang mga hayop na pinagpapalaban sa ilegal na aktibidad.


Ayon sa CIDG, kalunos-lunos ang kalagayan ng mga asong kanilang narescue. Karamihan sa mga ito ay nasa kulungan, labis na sugatan, at halatang nanghihina na sa matinding hirap at pagod. Ang ilan pa sa mga ito ay mga tuta, na ayon sa ulat ay hindi rin nakaligtas sa pagmamalupit ng suspek.


Agad namang itinurn-over ng mga otoridad ang mga nailigtas na aso sa Animal Welfare Investigation Project (AWIP) upang masuri at mabigyan ng tamang atensyong medikal. Layunin ng AWIP na maibalik ang kalusugan at maibsan ang dinanas na trauma ng mga hayop mula sa mapang-abusong kalagayan.


Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng CIDG-AOCU ang suspek at isasailalim ito sa masusing imbestigasyon. Kakaharapin niya ang kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 8485, na mas kilala bilang Animal Welfare Act of 1998. Ang naturang batas ay nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga hayop, at mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pang-aabuso o pagsasangkot sa kanila sa mga mararahas na gawain gaya ng sabong o dog fighting.


Binigyang-diin ng PAOCC na ang ganitong uri ng kalupitan ay hindi dapat palagpasin, lalo na’t ang mga inosenteng hayop ang nasasaktan at nawawalan ng buhay. Dagdag pa nila, dapat mas paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad na sangkot ang mga hayop, at hikayatin ang publiko na isumbong agad ang mga kahina-hinalang gawain sa kanilang komunidad.


Patuloy rin ang panawagan ng mga animal welfare advocates na bigyan ng mas mahigpit na parusa ang mga lumalabag sa batas para matigil na ang sistematikong pagmamalupit sa mga hayop. Sa tulong ng mga mamamayang may malasakit at mga ahensyang handang umaksyon, unti-unting nabibigyang hustisya ang mga nilalang na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.


Ang pangyayaring ito ay isa lamang sa mga patunay na marami pa ring hindi natatakot lumabag sa batas sa kabila ng mga kampanyang kontra sa animal cruelty. Gayunpaman, sa pamamagitan ng patuloy na pagkilos ng mga awtoridad at kooperasyon ng mamamayan, may pag-asa pa ring tuluyang mapuksa ang ganitong uri ng krimen.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo