Aiko Melendez, Pabor Sa Panukalang Batas Ni Sen. Robin Padilla; Edad 10-17 Bigyan ng Criminal Liability

Lunes, Hulyo 21, 2025

/ by Lovely


 Malinaw ang tindig ng aktres at kasalukuyang konsehal ng ikalimang distrito ng Quezon City na si Aiko Melendez kaugnay sa panukalang-batas ni Senador Robin Padilla na layuning baguhin ang kasalukuyang batas hinggil sa edad kung kailan maaaring panagutin ang isang menor de edad sa kasong kriminal.


Ipinahayag ni Senador Padilla na layunin ng kanyang isinusulong na panukala na amyendahan ang Republic Act 9344, o mas kilala bilang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, may criminal exemption ang mga batang may edad 15 pababa, habang ang mga nasa 15 hanggang 18 anyos ay maaari lamang managot kung napatunayang kumilos nang may discernment o tamang pag-unawa sa kanilang ginagawa.


Ngunit ayon sa senador, nais niyang tanggalin ang exemption na ito para sa mga menor de edad na may edad 10 hanggang 17 anyos, lalo na kung sangkot sila sa mga karumal-dumal na krimen gaya ng pagpatay, panggagahasa, at iba pang mabibigat na krimen.


Sa kaniyang verified Facebook page, nagpahayag si Aiko Melendez ng kanyang buong pagsuporta sa panukalang ito. Kalakip ng kanyang post ang isang ulat mula sa media hinggil sa isinusulong na batas ni Padilla. Ayon kay Aiko, naniniwala siyang makatuwiran ang ganitong uri ng batas. Aniya, “Tama lang ito.”


Ipinahayag ng konsehala na hindi dapat maging dahilan ang kabataan para hindi managot sa batas lalo na kung ang ginawa ay labag sa moralidad at batas ng lipunan. Ani niya, "That's the correct law. Anyone who violated the law, like killing, rape, should be punished according to the gravity, weight of his/her offense. No one should be above the law. Irregardless of age." 


Bagamat umani ng iba't ibang reaksyon ang panukalang ito sa social media, mariin ang paninindigan ni Aiko na hindi na dapat ituring na “laro” ang krimen, lalo na kung ito ay ginawa nang may intensyon. Para sa kanya, dapat matutunan ng kabataan ang kahalagahan ng pananagutan sa kanilang mga kilos, sa murang edad pa lamang.


Dagdag pa ni Aiko, hindi raw sapat na dahilan ang pagiging bata para makaligtas sa pananagutan, lalo na kung ang krimen ay sadyang malupit at may biktimang nasaktan o nasawi. 


Bagamat may ilan ding nagsasabing dapat unahin ang rehabilitasyon kaysa parusa, para kay Aiko, maaaring pagsabayin ang hustisya at rehabilitasyon. Naniniwala siyang maaaring tulungan ang isang batang nagkasala habang isinasailalim siya sa hustisya.


Sa huli, umaasa si Aiko na mas marami pang mambabatas at opisyal ng pamahalaan ang susuporta sa ganitong uri ng panukala para umano sa kapakanan ng nakararami at upang mapanagot ang sinuman—bata man o matanda—na gumagawa ng krimen.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo