Cristy Fermin Hinamon Si Karla Estrada, 'Magharap-Harap Tayo!'

Miyerkules, Nobyembre 29, 2023

/ by Lovely

Hinamon ng veteran showbiz columnist na si Manay Cristy Fermin si Karla Estrada na magharap sila kasama ang kanyang source upang mapag-alaman kung sino ang nagsasabi ng katotohan hinggil sa isyung naghiwalay na ang KathNiel.


Matatandaan na sa isang episode ng Showbiz Now Na, pinanindigan ni Manay Cristy Fermin na totoong naghiwalay na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sinabi pa noon ni Manay Cristy Fermin na nagmula mismo sa bibig ni Karla Estrada ang balitang ito.


"Kami po maninindigan kaming tatlo na hiwalay na po talaga si Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Umamin na po si Karla Estrada sa isa niyang kaibigan na wala na, tapos na. Ang tanong na lang natin ngayon, kailan ito naganap?"


Kaagad naman itong sinupla at pinabulaanan ng celebrity mom na si Karla Estrada sa pamamagitan ng kanyang Facebook post. Tahasang ipinahayag ni Karla na walang katotohanan ang isiniwalat ni Cristy Fermin.


Iginiit din ni Karla Estrada na kailanman ay hindi niya panghihimasukan ang buhay pag-ibig ng kanyang anak.


"Ito po ay walang katotohanan. Kailan man ay hindi ko panghihimasukan o pangungunahan ang personal na buhay ng mga anak po."


Gayunpaman, ipinahayag ni Cristy Fermin na hindi naging malinaw ang sagot na ito ni Karla Estrada at hindi rin umano specific kung ano ang itinanggi nito.


"Very vague po 'yung kanyang post. Hindi natin alam kung ano 'yung pinasisinungalingan niya. Wala bang katotohanan na siya ang naglantad ng paghihiwalay ng kanyang anak at ni Kathryn o walang katotohanan na hiwalay na? Dalawa 'yun," saad ni Cristy Fermin.


Dagdag pang pahayag ni Cristy Fermin, "Pero ang buong akala ng mga KathNiel na tagahanga, hindi siya ang naglantad nung balita at hindi rin hiwalay si Daniel at si Kathryn."


Hinamon pa ni Manay Cristy Fermin si Karla Estrada na mas mabuting magharap-harap sila kasama ng kanyang source upang magkaalaman na sa totoong nangyari.


"Hindi na ako makikipag-argumento pa. Ang pinakamaganda diyan, magharap-harapan kami ng aking source saka siya. Magkita-kita kaming tatlo," pahayag ng kolumnista.


Dagdag pa nito, "Kaya sa panahong ito, hinahamon ko si Karla Estrada para malaman nating kung sino ang nagsasabi ng katotohanan at kung sino ang nag-iimbento lang. Tatlo tayong maghahara-harap."


Humirit naman ang kasamahan nitong si Romel Chika, "Tama... para matapos ang kwento, maisarado ang libro."


Binigyan pa ni Cristy Fermin ng isang palaisipan si Karla Estrada sa kung sino sa mga kaibigang pinagsabihan niya ang kumanta sa kanyang source.


"Sino sa mga sources na pinagsabihan niya na naghiwalay ang anak niya at si Kathryn ang kanyang naiisip na nakapagparating sa akin ng mensahe?"


"Sa ngayon ang hindi niya malaman, sino sa mga sources o sino sa mga kaibigan niyang pinagsabihan ang nakapagparating sa atin ng kwento."


Sa ngayon ay hindi pa sinasagot ni Karla Estrada ang hamon ni Cristy Fermin sa kanyang maghaharap-harap sila kasama ang sinasabing source upang lumabas na ang katotohanan at matapos na ang isyung hiwalayan ng dalawa.




Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo