Isa ang alkalde ng Pasig na si Vico Sotto sa mga natangong pinuno sa listahan ng TIME100 Next para sa taong 2025, bilang pagkilala sa kanyang mga ginawa para sa gobyerno at pagbabago sa lungsod. Sa kategoryang “leaders,” binigyang-diin ang kanyang pakikipaglaban sa katiwalian at pagsusumikap na mapabuti ang pamamahala sa Pasig City.
Sa tala ng Time Magazine, nasama sa mga pinupuri kay Vico ang mga inisyatibang nagpabuti ng kalinisan, seguridad, at kalidad ng pamumuhay para sa mga Nasasakupan ng Pasig.
Isang mahalagang bahagi rin ng pagkilala ang sinulat ni Maria Ressa, isang Nobel Peace Prize laureate, na nagpuri sa estilo ng pamumuno ni Vico. Ayon sa kanya, ang pagiging tapat, paggamit ng datos, prangka, at may malasakit na taglay ng alkalde ay halimbawa ng modernong pamumuno.
Sinabi ni Ressa na dahil sa kanyang matibay na paninindigan at gawa — paggamit ng datos sa pagpapasya, pagiging bukas sa publiko, at pakikinig sa mga pangangailangan — natamo ni Vico ang muling pagkahalal noong Mayo. Ito ay patunay na kahit isang tao, kayang mag-umpisa ng pagbabago.
Kasabay ni Vico sa listahan ang aktor na si Manny Jacinto, kabilang sa kategoryang “artists.” Kilala si Manny sa kanyang mga palabas tulad ng The Good Place at Freaky Friday, at na-highlight din ng TIME ang epekto niya sa sining at entertainment.
Ang TIME100 Next ay isang taunang publikasyon mula noong 2019 na nagbibigay-pugay sa mga bagong lider at personalidad na may impluwensya sa iba't ibang larangan gaya ng pulitika, sining, teknolohiya, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan. Layunin nitong maipakita hindi ang mga karaniwang kilalang pangalan na matagal na sa entablado, kundi bibigyan ng pansin ang mga taong nagsisimula pa lamang ngunit may potensyal at ginagawa na ang pagbabago.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!