Namataan ang kilalang aktres at kilalang "Divine Diva" na si Zsa Zsa Padilla sa Kapitolyo ng Cebu kamakailan upang personal na magpaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng matinding lindol na yumanig sa bahagi ng Bogo City noong Setyembre 30, Martes ng gabi.
Ayon sa mga ulat, umabot sa 6.9 magnitude ang lakas ng lindol na nagdulot ng pangamba at pinsala sa maraming residente ng hilagang bahagi ng lalawigan. Bilang tugon, agad na kumilos si Zsa Zsa upang makiisa sa mga nangangailangan.
Mismong ang opisyal na Facebook page ng Cebu Province ang nagbahagi ng balita tungkol sa naging pagbisita ng beteranang aktres sa Capitol Command Center nitong Oktubre 1, Miyerkules.
Sa nasabing post, makikita si Zsa Zsa habang inaabot ang mga food packs na agad na maaaring kainin, pati na rin pinansyal na tulong, para sa mga biktima ng sakuna.
Ayon sa caption ng Cebu Province:
"Veteran actress Zsa Zsa Padilla visited the Capitol command center this afternoon to donate ready-to-eat food packs and monetary aid for the victims of the 6.9 magnitude earthquake. The actress's donations show solidarity with the Cebuano people during difficult times and hardships."
Hindi lamang sa aktwal na presensya ipinakita ni Zsa Zsa ang kanyang malasakit. Sa pamamagitan ng kanyang Instagram stories at feed, nanawagan din siya sa kanyang mga tagasubaybay na tumulong at mag-ambag, sa abot ng kanilang makakaya, upang mapagaan ang dinaranas ng mga naapektuhan.
Ilan sa kanyang mga IG stories ay may kalakip na impormasyon kung saan maaaring magpadala ng tulong, gaya ng mga donation drives o GCash numbers, habang may ilan ding nagpapakita ng aktwal na sitwasyon sa mga evacuation centers sa Bogo City.
Ipinakita rin ni Zsa Zsa ang kanyang taos-pusong mensahe ng pakikiisa, na nagpapakita hindi lang ng kanyang katayuan bilang celebrity, kundi bilang isang mamamayan na handang tumulong sa oras ng kagipitan.
"Sa mga kapwa ko Pilipino, lalo na sa mga taga-Cebu, ang puso ko ay nasa inyo. Sana’y makabangon tayo nang sama-sama. Kaunting tulong, malaking ginhawa para sa kanila," ani Zsa Zsa sa isa sa kanyang Instagram post.
Sa gitna ng kasikatan at abalang schedule, pinatunayan ni Zsa Zsa na ang tunay na kabayanihan ay hindi lang nakikita sa entablado o sa harap ng kamera—kundi sa likod nito, sa mga simpleng kilos ng pagmamalasakit sa kapwa.
Patuloy pa ring nananawagan ang mga lokal na opisyal ng Cebu ng karagdagang tulong, lalo’t may ilang mga barangay na nahihirapang maabot dahil sa pinsalang idinulot ng lindol.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!