Isang bagong yugto sa buhay ng aktres at dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata ang nagsimula matapos siyang opisyal na italaga bilang pinakabagong Scout Ambassador ng Boy Scouts of the Philippines (BSP).
Sa isang opisyal na anunsyo sa kanilang Facebook page noong Oktubre 1, 2025, inilahad ng BSP ang kanilang kasiyahan sa pagtanggap kay Shuvee bilang bahagi ng kanilang pamilya. Kalakip ng post ay isang video kung saan makikita si Shuvee na nagbibigay ng inspirasyonal na mensahe para sa lahat ng scouts sa bansa.
“Nandito na siya! The Nation’s Darling joins the Scouting fam! Say hello to our newest Scout Ambassador, Shuvee Etrata!” saad ng BSP sa kanilang caption.
Dagdag pa nila, “Bringing energy, passion, and inspiration to every adventure. Ready to lead, ready to inspire, always Laging Handa!”
Sa kanyang pahayag sa video, makikita ang taos-pusong damdamin ni Shuvee sa pagtanggap ng bagong tungkulin. Ayon sa kanya, ang pagiging Scout Ambassador ay hindi lamang isang titulo, kundi isa itong katuparan ng kanyang matagal nang pangarap.
“Sobrang saya ko na makasama kayo bilang isa sa mga bagong Scout Ambassador ng Boy Scout of the Philippines. I’m super honored dahil hindi lang ito basta title para sa akin, it’s a dream come true to be part of this scouting family and to represent what we stand for,” ani Shuvee, habang bitbit ang kanyang ngiti at determinasyon.
Ibinahagi rin niya ang kanyang paghangang natutunan mula sa scouting, partikular ang diwa ng pagiging "laging handa."
“I really love being part of scouting dahil dito ko natutunan ang totoong kahulugan ng ‘laging handa!” dagdag niya.
Bukod sa mga aral, binigyang-diin din ng Kapuso star ang kanyang hangarin na makatulong sa mga gawaing may kinalaman sa kapaligiran at pagbibigay-serbisyo sa komunidad.
“Mula sa pagtulong sa ating komunidad, pangangalaga sa ating kaligtasan hanggang sa mga simpleng paggawa ng kabutihan. Tinuturuan tayo ng scouting na palaging kumilos at laging handa[...]” saad pa ni Shuvee.
Sa huli, nanawagan siya sa mga scouts sa buong bansa na magkaisa at ipagpatuloy ang adbokasiya ng scouting—ang pagiging lider, pagkakaroon ng malasakit, at pagpapakita ng tunay na pakikipagkaibigan.
“So, tara na scouts! Sama-sama nating ipakita ang saya, ang pagkakaibigan, [at] ang pagmamalasakit na dala ng scouting! Let’s show the world that as a scout, we can lead, we can care for one another!”
Ang pagtatalaga kay Shuvee bilang Scout Ambassador ay isa na namang patunay ng kanyang lumalawak na impluwensya hindi lamang sa larangan ng showbiz kundi pati na rin sa mga makabuluhang adbokasiya sa lipunan. Sa kanyang murang edad, patuloy siyang nagsisilbing modelo ng kabataan sa pagiging aktibo, may malasakit, at palaging handa para sa kapwa at bayan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!