Nilinaw ng Kapuso rising star at dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata ang isyung kinakaharap niya matapos siyang ulanin ng batikos sa social media. Ito ay may kaugnayan sa isang lumang video na muling lumutang online, kung saan umano’y narinig siyang nagsabi ng "ewww" nang mabanggit ang pangalan ng Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Sa isang eksklusibong panayam ng entertainment reporter na si MJ Felipe para sa ABS-CBN, ipinaliwanag ni Shuvee na hindi raw dapat seryosohin ang naturang clip dahil ito ay labas sa konteksto at wala raw masamang intensiyon sa kanyang naging reaksyon.
Ayon sa aktres, ang nasabing video ay bahagi ng isang lighthearted content kung saan nilalaro niya ang "Jojowain o Totropahin" challenge habang kumakain. Iba’t ibang lalaking artista mula sa Kapamilya at Kapuso networks ang napag-usapan, at nang mabanggit si Vice Ganda — na isang kilalang LGBTQ+ icon — ay napabulalas si Shuvee ng "ewww."
Ito ang naging mitsa ng kontrobersya.
Marami ang hindi natuwa, lalo na’t paminsan-minsan ay naimbitahan si Shuvee bilang guest co-host sa It's Showtime — ang programang pinangungunahan mismo ni Vice. Para sa ilang netizens, tila double standard ang pagiging parte ni Shuvee ng palabas ngunit tila may dating hindi kanais-nais ang naging pahayag niya.
Ngunit giit ni Shuvee, wala siyang masamang intensyon at ang reaksyon niya ay biro lang.
"Nag-eww talaga ako, kasi parehas kaming girl," paliwanag niya. Dagdag pa niya, noon pa man ay mahilig na siya sa paggamit ng mga memes ni Vice Ganda, lalo na sa mga nakakatawang reaksyon nito.
Ipinahayag din ni Shuvee ang kanyang pasasalamat sa pagkakataong maging bahagi kahit paminsan-minsan ng It's Showtime, at sinabi niyang tagahanga talaga siya ng palabas at ni Vice.
"I really love It's Showtime. I'm really grateful for Meme [Vice Ganda], for giving me that opportunity to be on Showtime. Dati pinapanood ko lang," saad pa ni Shuvee.
Upang mapawi ang anumang hindi pagkakaunawaan, agad daw siyang nagpadala ng mensahe kay Vice Ganda upang personal na magpaliwanag.
"I sent a message regarding fake ano, 'yong mga lumalabas sa ano, kasi gusto ko lang ding i-clarify 'yong side ko na 'Meme, I was always honest about my feelings to you, I never lied," ani Shuvee.
Samantala, sa isang episode ng It's Showtime, napansin ng mga manonood ang tila may pasaring si Vice Ganda. Bagama’t hindi niya binanggit ang pangalan ng tinutukoy, sinabi niyang may mga taong nagkukunwaring tagahanga ngunit sa likod pala ay naninira.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag si Vice Ganda kaugnay ng isyu.
Sa kabila ng kontrobersya, tuloy pa rin ang showbiz career ni Shuvee. Isa siya sa mga tampok na bituin sa pelikulang Call Me Mother — isang malaking proyekto kung saan makakasama niya mismo si Vice Ganda at Nadine Lustre. Ang nasabing pelikula ay bahagi ng mga opisyal na kalahok sa darating na 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Patuloy ang pag-usbong ng pangalan ni Shuvee sa industriya, at sa kabila ng mga isyu, patuloy rin niyang pinipiling ipaliwanag ang kanyang panig sa mahinahon at propesyonal na paraan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!