Inamin ng action star na si Jeric Raval na hindi niya sinasadyang mabunyag sa publiko na may dalawang anak na umano ang kanyang anak na si AJ Raval sa aktor na si Aljur Abrenica. Sa isang panayam, nilinaw ng beteranong aktor na aksidente lang ang kanyang naging pahayag at hindi ito planadong paglalantad.
“Hindi ko sinasadya ‘yon,” ani Jeric habang ikinukuwento kung paanong nangyari ang insidente. Ayon sa kanya, nag-uusap lang sila ng ilang kasama sa presscon ng isang proyekto at napasama sa usapan ang tungkol kina AJ at Aljur. Hindi niya inakalang ang usapan ay maririnig o matatanong muli sa gitna ng event.
“Actually, nadulas lang ako noon. Doon sa presscon namin, meron akong kausap. Parang normal lang na kuwentuhan. Tapos noong nandoon na ako sa mesa, tinanong na ako. Ano ang sasabihin ko? Hindi ko naman puwedeng i-deny. Nasabi ko na kanina. Pangit naman, mukha akong sinungaling,” dagdag pa niya.
Nang matanong kung ano ang naging reaksiyon nina AJ at Aljur matapos ang kanyang pagsisiwalat, sinabi ni Jeric na kinausap siya ng dalawa ng mahinahon.
“Tinanong lang ako, ‘Tatay Eric, may nasabi ka ba sa interbyu mo?’ ‘Oo,’ kako. Nasabi ko na, e. Anyway, lalabas din ‘yan,” kwento niya. Hindi raw niya sinasadya, ngunit naging totoo lang siya sa sarili nang oras na iyon.
Dagdag pa ni Jeric, ang mga naunang balita tungkol kina AJ at Aljur ay hindi umano totoo. Ang kanyang nabanggit ay isang bagay na hindi pa pinag-uusapan sa media. Kaya nang bigla itong mabanggit, siya mismo ay nagulat.
“Yung balita noong una, wala ‘yon. Hindi totoo. Yung totoo, yung panahon na hindi naman nababalita, nasabi ko. Nung panahon na hindi naman pinag-uusapan, dun ko naman nasabi. Sabi ko [sa sarili], ‘Ano ba ‘yan? Ang daldal mo kasi!’" ani Jeric, na halatang may kaunting panghihinayang sa kanyang naging pagkakadulas.
Gayunpaman, iginiit niya na maayos at masaya naman ang relasyon nina AJ at Aljur. Ayon sa kanya, kamakailan lamang ay bumisita siya sa bahay ng magkasintahan sa Angeles City at nakita niya mismo kung gaano kaayos ang kanilang pagsasama.
“Okay naman sila. Masaya naman ang pamilya. Nakita ko ‘yung atmosphere sa bahay nila, at masasabi kong maayos silang dalawa,” kwento ng action star.
Bagama’t aksidente ang nangyari, hindi itinanggi ni Jeric na proud siya sa pagiging ama at sa pamilya ng kanyang anak. Ayon sa kanya, kung anuman ang piniling landas ni AJ, suportado niya ito hangga’t masaya at nasa tamang direksyon ang kanyang buhay.
Sa huli, ipinahayag ni Jeric ang kanyang pag-asa na sa kabila ng mga kontrobersya at usap-usapan, patuloy na igalang ng publiko ang pribadong buhay ng kanyang anak at ng pamilya nito. Nais niya na ang kanilang katahimikan at kasiyahan sa buhay ay hindi masira ng mga tsismis o maling interpretasyon.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!