Nakita si Shuvee Etrata, dating housemate ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition, na aktibong tumutulong sa isang relief operation ng GMA Kapuso Foundation. Sa kabila ng kontrobersiyang kinaharap niya kamakailan, muling ipinakita ni Shuvee ang kanyang malasakit sa mga nangangailangan.
Sa isang post sa social media platform na X (dating Twitter), ibinahagi ng Sparkle GMA Artist Center ang isang video ni Shuvee habang abala sa pag-aayos at pagbabalot ng mga relief goods. Nakasuot siya ng sunglasses habang masiglang tumutulong sa paghahanda ng mga ayuda para sa mga nasalanta.
Kalakip ng video ang caption na nagsasaad ng papuri sa dedikasyon ni Shuvee:
“Always showing up with heart No matter how packed her schedule gets, Shuvee Etrata never misses a chance to support GMA Kapuso Foundation’s relief efforts — something she’s been dedicated to for years.”
Bagama’t positibo ang mensahe ng post, agad namang umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen. Ang ilan ay nagpahayag ng paghanga, habang ang iba naman ay nagbigay ng puna — hindi sa ginagawang pagtulong ni Shuvee kundi sa kanyang itsura o dating isyu.
May netizen na nagkomento:
“Di ko gets ‘yung naka-shades habang nagpa-pack ng goods.”
Isa namang user ang nagbanggit ng comparison sa PR strategies ng ibang network:
“In times like this, you can really see how ABS’ PR is masterclass. (E.g. Maris Racal after kabet issue).”
Mayroon ding nagsabing tila inaangat ng GMA si Shuvee sa lebel ng mga pangunahing artista:
“Ala Marian Rivera ang trato ng GMA d’yan kay Shuvee ah… wahahhaha.”
Ang naturang reaksyon ng publiko ay maaring may kinalaman pa rin sa mga isyung kinaharap ni Shuvee sa nakaraan. Matatandaang naging laman siya ng online bashings matapos muling kumalat ang ilang lumang post at video kung saan ipinakita niya ang suporta niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Dahil dito, maraming netizens ang nadismaya at binatikos siya online.
Bagama’t humingi na si Shuvee ng paumanhin at iginiit na hindi niya intensyon na makasakit ng damdamin, tila hindi pa rin lahat ng tao ay handang kalimutan o patawarin siya. May ilan pa ring patuloy na pumupuna sa kanya, anuman ang kanyang ginagawa ngayon.
Gayunpaman, sa kabila ng mga negatibong komento at patuloy na pamumuna, nananatili pa ring aktibo si Shuvee sa pagtulong sa mga nangangailangan. Para sa mga tagasuporta niya, ito’y patunay na kahit anong isyu ang pagdaanan ng isang personalidad, ang tunay na malasakit sa kapwa ay hindi natitinag.
Makikita rin sa mga video na seryoso si Shuvee sa kanyang ginagawa — nakikipagtrabaho siya sa volunteers at hindi nagpapaka-diva sa field. Kaya’t para sa ilan, mas mainam na bigyan siya ng pagkakataong makabawi sa kanyang pagkakamali at magpatuloy sa pagpapakita ng malasakit sa bayan.
Habang hindi maiiwasan ang panghuhusga sa publiko, patuloy na umaasa ang ilan na ang mga artistang tulad ni Shuvee ay gamitin ang kanilang impluwensiya para sa makabuluhang gawain — at hindi lang para sa pansariling interes.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!