Umani ng samu’t saring reaksiyon sa social media ang tila lambingan sa pagitan ng Kapuso actress na si Klea Pineda at Kapamilya star na si Janella Salvador, matapos kumalat ang ilang mga litrato na nagpapakita ng kanilang paglalapit at pagbibigayan ng yakap at halik. Marami ang napa-isip at napa-komento kung may namumuong espesyal na ugnayan sa pagitan ng dalawa, o kung isa lamang itong pagpapakita ng malapit na pagkakaibigan.
Nag-ugat ang mga espekulasyon nang i-post ni Janella Salvador sa kaniyang X (dating Twitter) account noong Miyerkules, Oktubre 8, ang dalawang larawan nila ng aktres na si Klea Pineda. Kalakip ng mga larawan ang caption na:
“[U]gh fine i’ll stop gatekeeping these photos. ily @jascurtissmith,” na tila nagpapakita ng pagmamahal at malapit na koneksyon nila ni Jasmine na siya kumuha sa nasabing larawan.
Hindi nagtagal, tila na-inspire si Klea Pineda na magbahagi rin ng sarili nilang sandali ni Janella. Sa comments section ng post, nagkomento si Klea at ipinakita rin ang dalawang litrato nila ni Janella, kung saan makikitang nagbibigayan sila ng yakap at halik — na agad namang naging sentro ng usap-usapan sa social media.
“Sige na nga ako din,” ang simple ngunit makahulugang caption ni Klea sa kaniyang post.
Agad itong naging viral at maraming netizens ang nagkomento, may ilan na kinilig sa tila sweet moment, habang ang iba nama’y nagtanong kung may namamagitan nga ba sa kanila na higit pa sa pagkakaibigan. Hindi maikakaila na marami ang natuwa sa pagiging open at comfortable ng dalawa sa isa’t isa, lalo na’t parehong kilala sa industriya bilang mga pribadong personalidad pagdating sa kanilang personal na buhay.
Nagpahayag din ang ilang fans ng kanilang suporta, anuman ang tunay na estado ng relasyon ng dalawang aktres. May nagsabi pa na kung sakaling totoo man ang mga hinala ng publiko, ay susuportahan nila ito dahil “love is love” at wala namang masama sa pagpapakita ng pagmamahalan — romantic man o platonic.
Sa kabilang banda, nananatiling tikom ang bibig ng parehong kampo tungkol sa tunay na estado ng kanilang samahan. Wala pang opisyal na pahayag mula kina Janella at Klea kung ano nga ba ang meron sa pagitan nila, kung simpleng pagpapakita lamang ito ng friendship o kung may malalim na damdamin na ngang nabubuo.
Gayunpaman, hindi maipagkakaila na nabihag ng kanilang mga larawan ang atensyon ng netizens at fans mula sa iba’t ibang panig ng social media. Patunay lamang ito ng malaking impluwensiya ng dalawang aktres sa kanilang mga tagasubaybay, at kung paanong isang simpleng post lang ay maaaring maging simula ng napakaraming kuro-kuro.
Kung totoong may malalim na samahan man silang dalawa o simpleng pagpapakita lamang ito ng kanilang closeness, iisa lang ang malinaw — patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang kanilang bawat kilos, at hindi pa rito nagtatapos ang usapan tungkol sa kanila.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!