Muling naging sentro ng atensyon sa mundo ng showbiz ang pamilyang Barretto matapos magsalita si Inday Barretto, ang ina ng aktres na si Claudine Barretto, tungkol sa kasalukuyang relasyon ni Jodi Sta. Maria at Raymart Santiago, na siyang dating asawa ni Claudine.
Sa isang eksklusibong panayam kay Ogie Diaz, isang kilalang showbiz insider at talent manager, hindi nagpatumpik-tumpik si Inday sa pagbibigay ng babala kay Jodi. Sa kanyang mga pahayag, idinetalye ni Inday ang umano’y hindi magandang karanasan ng anak niyang si Claudine sa piling ni Raymart, at kung paanong ito, ayon sa kanya, ay nagbunga ng matinding hirap sa kanilang pamilya.
“’Yung g*gong ’yan, plano pa raw magpatayo ng bahay kasama si Jodi. Kapag tumigil si Jodi sa pagiging Jodi Sta. Maria na kilala at matagumpay, baka mawala sa kanya lahat—pati si Raymart. Wala na akong masasabi kundi bahala siya. Nagsasalita ako base sa pinagdaanan namin,” ani Inday.
Ayon kay Inday, hindi malinis ang naging kasaysayan ni Raymart bilang asawa ni Claudine. Isa sa mga malalaking isyu ay ang diumano’y emosyonal at pinansyal na pang-aabuso nito sa aktres. Binanggit ni Inday na noong kasal pa ang dalawa, may nangyaring pagkawala ng malaking halaga ng pera sa kanilang joint account, na nadiskubre ni Claudine taong 2011.
Dagdag pa ni Inday, karamihan umano ng mga ari-arian na naipundar ng dalawa ay napunta kay Raymart matapos ang kanilang paghihiwalay, kahit na si Claudine raw ang pangunahing gumastos sa mga ito. Sa kasalukuyan, ayon kay Inday, si Claudine pa rin ang sumasalo sa mga gastusin para sa kanilang anak na si Santino, lalo na sa bayarin sa eskwelahan, dahil hindi raw palaging nagbibigay ng suporta si Raymart.
“Lahat ng naipundar nilang mag-asawa, naiwan kay Raymart. Ni isang ari-arian, walang naiwan kay Claudine—kahit pera niya ang pinambili. Hindi ba’t isa itong matinding panlilinlang?” dagdag pa ni Inday.
Bukod sa usapin ng relasyon nina Jodi at Raymart, inilahad din ni Inday na apektado na umano si Santino, anak nina Raymart at Claudine, sa mga pinagsasasabi ng ama. Ayon sa kanya, ginagamit daw ni Raymart ang bata sa tuwing siya ay naiipit sa usapin ng sustento, na nagdudulot ng emosyonal na epekto sa bata.
Sa kabila ng mga mabibigat na pahayag ni Inday Barretto, wala pang tugon o pahayag mula kay Jodi Sta. Maria. Hindi pa rin malinaw kung gaano na kaseryoso ang relasyon nila ni Raymart, ngunit ayon sa ilang ulat, tila mas lumalalim ang kanilang samahan, lalo na’t may mga bali-balitang nagsasama na sila sa iisang bahay.
Gayunpaman, nananatiling bukas ang usapin sa publiko, lalo na sa mga tagasuporta ni Claudine na patuloy na nagpapakita ng suporta sa aktres at sa kanyang pamilya.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!