Michael V 'Dinadawit' sa Isyu Ng Mga Discaya

Martes, Setyembre 2, 2025

/ by Lovely


Nahila ang pangalan ng batikang komedyanteng si Michael V, o mas kilala bilang Bitoy, sa mainit na usapin kaugnay ng dating kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig at kasalukuyang contractor na si Sarah Discaya. Matapos lumabas ang kaniyang pagdalo sa pagdinig ng Senado kamakailan, marami sa mga netizen ang agad na naisip na bagay na bagay daw itong gawing spoof ng Bubble Gang.


Noong Setyembre 1, humarap si Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee kung saan inamin niya na siya umano’y nagmamay-ari ng aabot sa 28 luxury cars. Agad na naging usap-usapan online ang kaniyang pahayag, hindi lamang dahil sa kontrobersyal na yaman kundi pati na rin sa paraan ng kaniyang pagsagot at itsura na umano’y hawig na hawig kay Michael V.


Habang tumatagal ang live coverage ng naturang pagdinig, nagsimulang tag-taggin ng mga netizen si Michael V at hilingin na gumawa ito ng parody. May isang nagkomento pa na, “Excited ako sa susunod na parody ni Michael V! Hahaha.” Ang iba nama’y nagbiro ng, “Kaya pala hindi nanalo sa pagka-mayor, kasi destined palang maging artista. Astig!”


Naging mas matunog pa ang ideya nang tila sumakay mismo ang opisyal na Facebook page ng Bubble Gang sa kasiyahan ng mga tao. Nag-post sila ng throwback photo ni Michael V habang nakasuot ng puting polo, may salamin, at maigsi ang buhok—ang hitsurang malapit sa itsura ni Discaya noong pagdinig. Caption pa ng post: “Hiyang-hiya naman kami sayo ‘no!” Kaya’t maraming netizen ang nag-assume na ito’y banat na patama o playful na hirit para sa trending na isyu.


Bumaha ang mga komento sa naturang post, karamihan pawang aliw na aliw sa pagkakahawig ng dalawa. Isa sa mga komento: “Kamukhang-kamukha niya legit hahaha.” May iba ring nagdagdag ng ideya kung sakali mang mapunta sa parody ang eksena, dapat daw may kasamang prop na payong. Ito ay matapos ang pahayag ni Discaya sa Senado na isa sa mga dahilan ng pagbili niya ng isang luxury car ay dahil kasama raw itong may libreng umbrella feature.


Dahil dito, mas lalo pang umikot sa social media ang memes at jokes na konektado kina Michael V at Discaya. Para sa ilan, tila natural lang na maisama ito sa mga sketch ng Bubble Gang dahil kilala si Bitoy sa husay niya sa panggagaya ng mga personalidad na biglang napapasikat dahil sa mga kontrobersyal na pangyayari.


Gayunpaman, hanggang sa ngayon ay wala pang direktang pahayag si Michael V kung papatulan ba niya ang mga panawagan ng fans. Wala ring kumpirmasyon kung gagawin itong eksena sa mga susunod na episode ng Bubble Gang.


Sa kabila nito, malinaw na isang patunay ang naturang usapin kung paano mabilis na nakakapagbigay ng kasiyahan at aliw ang mga isyu sa pulitika kapag hinahalo na sa mundo ng komedya. Pinatutunayan din nito ang impluwensiya ng social media sa pagbibigay ng bagong perspektibo sa mga seryosong diskurso. Sa bandang huli, kahit na kontrobersya ang ugat ng lahat, tila ang panawagan ng publiko ay simpleng good vibes at katatawanan na lamang.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo