Usap-usapan ngayon sa social media ang matapang na pahayag ng batikang ABS-CBN broadcast journalist na si Karen Davila matapos niyang maglabas ng opinyon ukol sa tinatawag niyang “kurakot-shaming.” Ang tinutukoy nito ay ang pagbubunyag at pagtawag ng pansin sa mga taong sangkot sa katiwalian at iba’t ibang anyo ng korupsyon sa bansa.
Sa Pilipinas, ang salitang kurakot ay matagal nang ginagamit bilang bansag sa mga indibidwal na lumalamon sa pera ng bayan at ginagamit ito para sa pansariling interes imbes na para sa kapakinabangan ng nakararami.
Lalo pang uminit ang usapin dahil sa mga isyu ng diumano’y anomalya sa flood-control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso. Ilang contractor umano ang nasasangkot dito, kasama na ang mga kompanyang nakakuha ng proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa gitna ng usapin, nadadamay na rin maging ang mga tinaguriang “nepo babies” o mga anak ng mga nasasangkot na contractor. Ayon sa ilang netizen, ang mga ito raw ay lantaran pang ipinapakita sa social media ang kanilang marangya at maluho na pamumuhay, samantalang ang pinagmulan ng kanilang yaman ay tila nakadikit sa isyu ng korupsyon.
Sa kanyang X post (dating Twitter), mariing ipinahayag ni Karen Davila:
“KURAKOT SHAMING. It’s high time.”
Dinugtungan pa niya ito ng, “Sa ibang bansa, ang nagnanakaw sa gobyerno nakukulong o naghaharakiri. Sa Pilipinas, kina-iinggitan. Tama na.”
Malinaw ang mensahe ng broadcast journalist — panahon na upang ilantad at huwag palampasin ang mga ganitong gawain. Ang dapat sana ay ikahiya at kasuhan, dito sa bansa ay tila nagiging basehan pa ng inggit at paghanga ang nakukurakot na kayamanan.
Hindi naman nakaligtas sa atensyon ng publiko ang nasabing pahayag. Marami ang sumuporta at nagbigay ng kani-kanilang opinyon. May isang netizen na nagsabi:
"Sa ibang dako ng Pilipinas, kapalit nito ay buhay. It’s high time for the media to step up ngayon na may matatapang na nagsisiwalat. Ituloy tuloy nang pangalanan. We know that you know sino sino ang mga magnanakaw. Sana wala nang magpabayad at wala nang matakot."
Isa pa ang nagbahagi ng sama ng loob tungkol sa mataas na buwis:
"Tinitipid mo ang sarili mo at pamilya dahil 35% ng sweldo mo bayad agad sa tax. Yung natira ta-taxan uli. Pati performance bonus mo na wala namang ambag ang gobyerno may buwis. Tapos nanakawin lang at wawaldasin ng sindikato ng mga pulitiko at contractors? Tama na!"
May mga sumuporta rin sa ideya ng kurakot-shaming mismo:
“Yes, keep shaming them and their children!”
Samantalang ang iba nama’y binigyang-diin ang malaking pagkakaiba ng Pilipinas at ibang bansa:
"Sa ibang bansa once na nabahiran ng corruption ang pangalan resign agad dito sa Pinas, mga walang hiya."
Gayunpaman, may ilan ring naniniwalang hindi sapat ang simpleng pag-shaming:
"Hindi na effective ang shaming. Pinagmamalaki pa nga eh. Kailangan sa mga yan iprosecute, ikulong, at bawiin ang ninakaw. But more than that, we need to start sa honest to goodnest na education, with aim at moral revolution."
Sa kabuuan, ang naging panawagan ni Karen Davila ay hindi lamang simpleng puna kundi isang hamon na rin sa lipunan: ang kumilos laban sa talamak na kurapsyon. Para sa kanya at sa maraming sumuporta, hindi na dapat normal na tingnan ang mga kurap na opisyal at ang kanilang pamilya na parang “celebrity” dahil lamang sa ipinapakitang yaman. Sa halip, panahon na raw para maibalik ang hiya, pananagutan, at hustisya — hindi lamang sa salita kundi sa kongkretong aksyon.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!