Umiinit ang diskusyon sa social media matapos masangkot ang pangalan ni Claudine Co, lalo na nang kumalat ang umano’y tugon niya kaugnay sa mga batikos na natatanggap dahil sa kanyang ugnayan sa ilang kilalang personalidad sa politika na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.
Ayon sa mga ulat at kumakalat na art card online, sinasabing nagsalita raw si Claudine at idiniin ang linyang wala umano siyang obligasyon o “utang na loob” sa mga Pilipino. Sa isang pahayag na umano’y galing sa kanya, mababasa ang, “LIKE, hello? Wala kaming utang na loob sa mga Pilipino, okay?” — na lalo pang nagpasiklab ng galit at negatibong reaksyon mula sa netizens.
Sinubukan ng ilang media outlet, na silipin at busisiin ang mga opisyal na social media account ni Claudine. Subalit, sa kanilang pagkakahanap, tila burado na o naka-deactivate ang mga account na dating aktibo. Dahil dito, naging palaisipan kung totoong siya mismo ang nagbitaw ng mga nasabing salita, o kung ito’y pawang mga gawa-gawang pahayag lamang na sinakyan na ng social media pages. Gayunpaman, may ilang Facebook at Instagram pages na gumagawa pa rin ng art cards na inilalabas na galing umano sa kanya, kaya’t patuloy na nagiging mitsa ng talakayan.
Bukod sa mga pahayag, mas lalong nadidiin si Claudine dahil na rin sa kanyang pagiging kabilang sa mga tinatawag na “nepo babies.” Ang bansag na ito ay tumutukoy sa mga anak o kaanak ng mga makapangyarihan at mayayamang personalidad na umano’y nakikinabang sa impluwensya at koneksyon ng kanilang pamilya. Sa kaso ni Claudine, madalas na binabatikos ng netizens ang kanyang tila marangyang pamumuhay na hindi umano tugma sa kasalukuyang kinasasangkutang isyu ng kanyang mga kaanak. Ang mga litrato at post niya sa social media kung saan nakikitang ipinapakita ang mamahalin niyang kagamitan, branded na kasuotan, at iba pang luho ay lalo lamang naging mitsa ng pang-aalipusta mula sa publiko, lalo na’t sabay na gumugulong ang imbestigasyon ukol sa flood control projects na sana’y para sa kapakanan ng nakararami.
Para sa konteksto, si Claudine ay anak ng dating Ako Bicol Partylist Representative na si Christopher Co, at pamangkin naman ni Zaldy Co, na siya ngayong kinatawan din ng parehong partylist sa Kongreso. Ayon sa mga ulat, si Christopher ay isa sa mga itinuturong co-founder ng Hi-Tone Construction and Development Corporation, habang si Zaldy naman ay iniuugnay sa Sunwest Group of Companies. Ang dalawang kumpanyang ito ay hindi basta-basta, dahil kapwa sila kabilang sa listahan ng labing-limang contractors na umano’y kumita nang malaki mula sa flood control projects ng pamahalaan.
Ang impormasyon tungkol sa mga nasabing kumpanya at ang kanilang pagkakasangkot ay hindi basta haka-haka lamang. Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagsiwalat ng listahang ito, kung saan tinukoy niya ang mga pangunahing contractor na nakakuha ng bilyon-bilyong halaga ng proyekto. Dahil dito, naging mas mabigat ang pagtingin ng publiko sa mga taong may kaugnayan sa mga contractor, lalo na sa pamilya Co.
Sa kasalukuyan, hati ang opinyon ng publiko—may mga naniniwala na posibleng gawa-gawa lamang ang kumalat na pahayag ni Claudine, ngunit marami rin ang nagsasabing kahit pa wala siyang direktang kinalaman, hindi maiiwasang iugnay siya dahil sa posisyon at negosyo ng kanyang pamilya. Sa kabila ng mga haka-haka, malinaw na patuloy na lumalaki ang isyung ito, at mas dumadalas ang tawag ng mga mamamayan na papanagutin ang mga contractor at pulitikong sangkot sa kontrobersyal na proyekto.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!