Narinig ni Alma Concepcion, dating beauty queen at aktres, ang mga batikos mula sa ilang netizens na pumuna sa kanyang pagtatanggol sa pamilya Atayde kaugnay ng mga paratang tungkol sa kanilang mga ari-arian na umano’y galing sa pera ng bayan.
Nagsimula ang kontrobersiya nang mabanggit ni Curlee Discaya, isang contractor, ang pangalan ni Arjo Atayde, aktor at kongresista ng Quezon City First District, bilang isa sa mga opisyal ng gobyerno na diumano’y tumanggap ng kickback mula sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ay naging bahagi ng ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na ginanap noong Setyembre 8, na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta. Batay ito sa salaysay ng misis ni Discaya na si Sarah Discaya, na tumakbo bilang mayor ng Pasig City sa nakaraang halalan noong 2025.
Agad namang itinanggi ni Arjo Atayde ang mga paratang na siya ay sangkot sa anumang uri ng katiwalian. Hindi rin nagpahuli si Alma Concepcion sa pagharap sa mga batikos at inilahad niya ang ebidensya upang patunayan na ang mga ari-arian ng pamilya Atayde ay hindi mula sa mga anomalya.
Ibinahagi ni Alma ang isang lumang post sa Facebook noong 2021, kung saan makikitang kasama niya si Sylvia Sanchez at iba pang mga tao sa isa sa mga yate ng pamilya Atayde. Ayon kay Alma, noong 2021 pa nila nakita ang yate at iba pang ari-arian, samantalang si Arjo ay nahalal lamang bilang kongresista noong 2022.
Dahil dito, mariing nanawagan si Alma sa mga netizens na bago maghusga ay suriin muna ang mga petsa at timeline kung kailan nakuha ang mga ari-arian. “Paki-verify po ang mga petsa. Ang mga ari-arian tulad ng yate at rest houses na binabanggit sa balita ay nakita na namin noong 2021. Si Congressman Arjo Atayde ay nahalal noong 2022. Paki-check po ang timeline kung kailan nakuha ang mga ari-arian nila bago maghusga,” wika niya.
Dagdag pa niya, “Ito ang rest house na na-feature ni Ms. K kasama si Sylvia Sanchez, at pakitingnan ang petsa. Nabili nila bago pa man maging kongresista si Arjo.”
Noong Setyembre 11, Huwebes, nag-post si Alma ng mga screenshot ng mga komento mula sa netizens na tumutugon sa kanyang pagtatanggol sa pamilya Atayde. Isa sa mga nagbatikos ay nagsabing posibleng may suporta siya mula sa pamilya Atayde kaya siya tumatanggol, at tinawag pa siyang “laos.” Ang isa pang netizen ay sumang-ayon at nagsabing baka muli siyang maging usap-usapan.
Hindi ito pinalampas ni Alma, at mariing sinagot ang mga puna. "Laos? At least sumikat at naka ipon. Ikaw? Sumikat ka ba? Naka ipon ka ba? Baka mas marami pa akong natulungan kesa sa inyo so make sure maayos ang buhay mo bago ka mambato sa iba," pahayag niya.
Binigyang-diin niya na marami siyang natulungan, kabilang na ang pagpapaaral sa kanyang mga kapatid. "Madami ako natulungan, napag aral ko mga kapatid ko. Ikaw? Ano ambag mo sa mundo?" tanong niya pa.
Pinaliwanag din ni Alma na lahat ng artista ay dumadaan sa pagsubok, ngunit mahalaga na na-maximize niya ang kanyang kasikatan at nakapag-invest nang maayos. "Lahat naman ng artista malalaos. Ang importante ay na maximize ko kasikatan ko, nakapag invest ng maayos at until now umaarte pa din on the side. Umpisa pa lang bg showbiz career ko sinabi na sa akin ng mommy ko na hindi sya forever so what did i do? I maximized it & invested wisely!" sabi niya.
Sa pagtatapos ng kanyang post, hinamon ni Alma ang mga nagbatikos: “Hintayin ko ang sagot mo dito sa page ko ha? Game.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!