Usap-usapan ngayon sa social media ang singer at online personality na si Claudine Co dahil sa umano’y marangyang pamumuhay na kanyang ibinabahagi online.
Nagsimula ang mainit na diskusyon nang madiskubre ng ilang netizens ang koneksyon ni Claudine sa mga kilalang personalidad sa negosyo at politika. Siya ay anak ng dating Ako Bicol Partylist Representative Christopher Co, na co-founder ng Hi-Tone Construction and Development Corporation, at pamangkin ng kasalukuyang Ako Bicol Partylist Representative Rizaldy “Zaldy” Co, na CEO naman ng Sunwest Group of Companies.
Ang pamilya ni Claudine ay kabilang sa mga nabanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa listahan ng Top 15 flood control construction companies sa bansa. Ang mga kumpanyang ito ay nakakuha ng malalaking kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa iba’t ibang proyekto tulad ng paggawa ng mga kalsada, tulay, gusali, at flood control systems. Ayon sa ulat, ang mga kontratang ito ay may halagang aabot sa daan-daang milyon para sa mga proyektong ipatutupad mula 2023 hanggang 2025.
Dahil dito, mabilis na nag-iba ang tono ng publiko kay Claudine. Mula sa dati ay paghanga at suporta sa kanyang lifestyle content, ngayon ay nakatanggap siya ng samu’t saring puna at batikos mula sa mga netizen na nagdududa sa pinagmulan ng kanyang kayamanan.
Lalo pang lumaki ang usapin nang ibahagi ng isang netizen sa X (dating Twitter) ang clip kung saan makikitang sumasakay si Claudine sa kanilang private jet. Kalakip nito ang komento:
“Claudine Co, anak ni Christopher Co, owner ng Hi-Tone Construction at pamangkin ni Zaldy Co, owner ng Sunwest Construction. Parehong kabilang sa listahan ng top 15 contractors na binanggit ni PBBM. Sanaol, may private plane.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging tampok ang kanyang lifestyle. Sa kanyang mga social media accounts at YouTube channel, madalas niyang ibida ang mga branded bags, mamahaling kasuotan, at mga paglalakbay sa iba’t ibang bansa. Isa sa madalas ding mapansin ng mga tagasubaybay ay ang kanyang pagsakay sa private plane, bagay na lalong nagpasiklab ng usapan online.
Dahil sa lumalaking isyu, marami ang nagkomento at nagpahayag ng kanilang saloobin. Isang netizen ang nagsabi:
“I’m crying, kailangan mag-triple kayod para matustusan ang bakasyon at Birkin bags ni Claudine Co. Pero it’s okay to not be okay kasi lilipas din ang problemang ito.”
Isa pa ang nagbitiw ng matalim na salita:
“Sana talaga ay mahanap agad ng karma ang daan papunta sa inyo.”
May iba ring nanawagan na dapat ipaliwanag ni Claudine ang pinagmulan ng kanyang yaman:
“Sana maimbitahan si Claudine Co sa Senado. Doon niya ipagmalaki ang mga kayamanan niya.”
Dahil sa patuloy na batikos, napansin ng mga netizen na hindi na makita ang ilang social media accounts ni Claudine, kabilang ang kanyang YouTube channel at Instagram page. Ayon sa iba, baka ito ay pansamantalang ipinasara upang makaiwas sa sunod-sunod na negatibong reaksyon at panawagan na maglabas siya ng “resibo” o patunay sa kanyang mga ipinapakitang ari-arian.
Sa kabila ng mga isyung ibinabato laban sa kanya at sa kanyang pamilya, nananatiling tahimik si Claudine Co. Wala pang opisyal na pahayag mula sa kanyang panig hinggil sa mga alegasyon at batikos na natatanggap niya online.
Gayunpaman, malinaw na ang isyu ay patuloy na pinapainit ang diskusyon tungkol sa transparency sa mga kontratang pinapasok ng gobyerno at sa koneksyon nito sa mga kilalang personalidad. Ang kaso ni Claudine ay nagsilbing halimbawa kung paanong ang personal na pamumuhay ng isang social media figure ay maaaring mag-udyok ng mas malawak na usapan ukol sa pamahalaan, negosyo, at pananagutan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!