Xyriel Manabat Wapakels Sa Camera Sa Loob Ng Banyo Ng PBB House

Miyerkules, Hulyo 2, 2025

/ by Lovely


 Sa ginanap na mediacon ng seryeng It’s Okay To Not Be Okay, nakapanayam namin si Xyriel Manabat, isa sa mga pinakabagong celebrity housemates ng Pinoy Big Brother. Bukod sa kanyang upcoming show, ibinahagi rin niya sa amin ang ilan sa mga karanasang hindi niya malilimutan habang nasa loob siya ng Bahay ni Kuya.


Nang tanungin namin kung ano ang pinakamatinding karanasan niya sa loob ng bahay, walang pag-aalinlangang sagot ni Xyriel, “Bukod sa muntik na akong mamatay, siguro ‘yung pagkakataon na kumpleto kaming dalawampu sa bahay — ‘yon ang pinakaunang beses at marahil huling beses din na nabuo kami ng ganoon. Napaka-espesyal ng sandaling ‘yon. Nagbigay pa kami ng mga salita ng suporta at lakas ng loob sa isa’t isa.”


Ayon sa aktres, napaka-valuable ng naging samahan nila ng kanyang mga co-housemates, kahit pa sandali lamang silang nagkasama nang buo. Ipinakita raw sa kanila ng karanasang iyon ang halaga ng pagkakaisa at pakikiramay, lalo na sa mga pagkakataong nakakaramdam sila ng lungkot, pagod, o pagkalito sa loob ng Bahay ni Kuya.


Hindi rin namin pinalampas ang tanungin siya tungkol sa isa sa mga pinaka-personal at mahirap gawin sa loob ng PBB house — ang paggamit ng palikuran o CR, lalo na’t 24/7 silang binabantayan ng kamera.


“Noong umpisa po nakadamit pa akong maligo, tapos malaman ko, mabilisan na sila maligo at wala na sila pakialam sa camera, so ganun na lang di po ako. Kumakain din po kasi ng oras kapag ang dami mong kolorete saka parang ang dumi-dumi mo," kwento ni Xyriel. 


Aminado rin si Xyriel na noong una, medyo nakakailang ang presensya ng mga kamera. Ngunit habang tumatagal, nasanay na rin siya sa ideya na hindi talaga nawawala ang mata ni Kuya.


“Tapos ‘yung sa camera naman po, ‘di mo naman siya mapapansin ,eh kapag 24 hours kang nandoon. Hindi mo po mahahalata ‘yung camera. Siguro awkward lang kapag nakatutok po sa inyo ‘yung camera. Parang ganyan po ( sabay turo sa cellphone na nakatutok sa kanya) mapapatingin ka lang po ng ganoon pero hindi mo naman ma anticipate kung naka -record ba or what,” paglalahad pa ni Xyriel.


Ipinakita ng mga sagot ni Xyriel kung gaano kahirap pero kapana-panabik ang maging bahagi ng Pinoy Big Brother. Bukod sa mga physical at emotional challenges, may mga simpleng bagay din na kailangang pagdaanan ng bawat housemate — kabilang na ang pag-aadjust sa mga kamerang walang sawang sumusubaybay sa kanilang bawat galaw.


Gayunpaman, dama sa mga salitang binitiwan ng batang aktres na hindi niya pinagsisisihan ang naging bahagi siya ng reality show. Isa raw itong karanasang habambuhay niyang babaunin, hindi lang bilang artista kundi bilang isang tao rin na lumaki sa mata ng publiko.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo