Matibay ang paninindigan ng Kapuso actress at TV host na si Shuvee Etrata pagdating sa kanyang prinsipyo sa pag-ibig at sekswalidad. Ayon sa kanya, hindi niya basta-basta ipagkakaloob ang kanyang puri kahit pa tunay niyang minamahal ang isang lalaki.
Sa pinakabagong vlog ng kilalang komedyante at “Unkabogable Star” na si Vice Ganda, kung saan siya ay naging panauhing espesyal, napunta ang usapan sa mga sensitibong paksa tulad ng sex at ugnayan sa pag-ibig. Dito, naging bukas si Shuvee sa pagbabahagi ng kanyang opinyon at personal na karanasan.
Isa sa mga unang tinanong ni Vice ay kung may mga lalaking nagtangkang manligaw o nagpaparamdam kay Shuvee. Isa sa mga ito ay isang kilalang aktor na ibinunyag ng kanyang kaibigan at dating "Pinoy Big Brother" housemate na si Ashley Ortega.
Ayon kay Ashley, sinabi niya kay Shuvee na itigil na ang pakikipag-usap sa naturang aktor. “Parang alam ko lang din kasi ‘yung parang ginagawa nila kay Shuvee,” ani ni Ashley, na tila may alam sa mga motibo ng lalaki.
Dagdag pa ni Shuvee, madalas siyang husgahan ng mga lalaki base sa kanyang pinagmulan. “Kasi feeling nila, taga-isla ta’s makuha kaagad nila ‘yung virginity. Sometimes ‘yun ‘yung tingin ng lalaki sa akin, dine-devalue nila ako as a woman. Kasi feeling nila, taga-probinsya. Kaya nilang loko-lokohin,” paliwanag ng aktres.
Ikinuwento rin niya na may mga pagkakataong diretsahan siyang niyayayang sumama sa condo o bahay ng ilang lalaki. Subalit sa mga ganitong sitwasyon, pinipili niyang umiwas at hindi na lamang pinapansin ang mga ito.
Paglalahad ni Shuvee, “Ako talaga, it’s hard for me to trust. Pero at the same time gusto ko rin namang magmahal. Kasi non-negotiable po sa akin ang sex. I don’t support premarital sex.”
Malinaw sa kanya na hindi niya sinusuportahan ang konsepto ng premarital sex.
“You know, puwedeng mag-enjoy, magtikiman. Ganu’n, ganu’n. Ta’s hanggang mas mahanap mo ‘yung gusto mo. Para sa akin naman, I don’t believe in that.”
Dagdag pa niya, hindi siya naniniwala sa ideyang “puwede nang sumubok, mag-enjoy at makipagrelasyon kahit wala pang commitment.” Bagama’t naiintindihan niya na may ibang tao na ganyan ang pananaw sa pakikipagrelasyon, personal niyang paniniwala na ang katawan ng isang babae ay dapat bigyang halaga at igalang.
“Nirerespeto ko kung may ibang taong bukas sa gano’n. Pero para sa akin, mahalaga ang puri at hindi ito dapat basta na lamang ibinibigay sa sinuman,” sabi pa ni Shuvee.
Ang pagiging matatag ni Shuvee sa kanyang prinsipyo ay umani ng papuri mula sa mga netizen. Sa isang panahong tila normal na sa lipunan ang pagiging bukas sa premarital sex, nananatiling matibay si Shuvee sa paniniwalang hindi dapat isinusuko ang sarili hangga’t walang tunay na pagmamahalan at legal na relasyon.
Sa kabuuan, ipinakita ni Shuvee Etrata na ang paninindigan ng isang babae ay hindi hadlang para siya’y respetuhin. Bagkus, ito ay isang paalala na sa kabila ng modernong pananaw sa pakikipagrelasyon, may mga kababaihan pa rin na pinipiling manatiling tapat sa sarili at sa mga pinaniniwalaan nilang tama.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!