Nagbukas ang aktor na si Mark Herras tungkol sa posibilidad ng pagpapakapon matapos ang pagdating ng ikalawa niyang anak kasama ang asawa niyang si Nicole Donesa. Sa isang panayam habang ginaganap ang burol ng dati niyang manager na si Lolit Solis, inilahad ni Mark na isinilang ang kanilang ikalawang anak noong ika-25 ng Hunyo. Isang babae ang kanilang bagong silang, habang lalaki naman ang kanilang panganay.
Sa nasabing panayam, ibinahagi ni Mark ang kaniyang plano na hindi na palakihin pa ang kanilang pamilya.
“Okay na ’yon, one boy at one girl,” ani Mark.
“Magpapakapon na ako after ng dalawa. Actually, nakita ko ’yung ginawa ni Drew (Arellano), at least hindi lang pala ako ang nagpaplano ng ganun.”
Ayon pa kay Mark, hindi basta-basta ang desisyong ito. Napag-usapan na nila ito ng kanyang misis at isa ito sa mga paraan nila ng pagiging responsable bilang mga magulang. “Seryoso ‘yun papakapon ako, napag-usapan namin ni misis, mahirap kasi magkaroon ng maraming anak, sa hirap ng buhay ngayon, alam naman nating hindi stable ang showbiz. Doon na tayo sa safety at family planning,” pahayag ng aktor.
Dagdag pa niya, hindi biro ang pagpapalaki ng maraming anak, kaya hangga’t maaga pa ay nais na nilang i-manage ang laki ng kanilang pamilya. Isa rin umano itong hakbang para sa mas maayos na kinabukasan ng kanilang mga anak.
Habang hindi abala sa trabaho, si Mark ay aktibong tumutulong sa pangangalaga ng kanilang bagong silang na anak. Inamin niyang hands-on siya sa bahay at nagbibigay ng suporta kay Nicole sa mga gawaing may kaugnayan sa pagpapalaki ng sanggol. “Kapag wala akong taping o project, ako ang nag-aalaga sa baby namin. Sa totoo lang, ang sarap ng pakiramdam na kasama mo ang anak mo sa mga unang buwan niya,” ani Mark.
Samantala, hindi rin naiwasan ni Mark na ilahad ang lungkot na nararamdaman niya sa biglaang pagpanaw ng dating manager niyang si Lolit Solis. “Hanggang ngayon, parang hindi pa rin ako makapaniwala. Malaki ang naging bahagi ni Lolit sa career ko. Isa siya sa mga unang naniwala sa akin at humubog sa kung nasaan ako ngayon bilang artista,” wika niya.
Sa kabuuan, kitang-kita ang pagiging bukas at tapat ni Mark Herras sa mga desisyong may kinalaman sa kanyang pamilya. Hindi lang siya artista sa harap ng kamera, kundi isang responsableng ama at asawa sa likod ng mga ilaw ng showbiz. Ang kanyang hakbang patungo sa pagpapakapon ay isang malinaw na pahayag ng kanyang dedikasyon sa pagiging mabuting magulang at asawa sa gitna ng hamon ng modernong panahon.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!