Walang kapantay ang kasiyahan na nararamdaman ngayon ng komedyanteng si Keanna Reeves dahil sa relasyon niya sa mas batang nobyo na si Scott Lomboy. Bagama’t may malaking agwat ang kanilang edad, hindi ito naging hadlang sa kanilang pagmamahalan, at buong puso itong ipinagmamalaki ni Keanna.
Sa isang panayam na mapapanood sa YouTube vlog ni Aiko Melendez, ibinahagi ni Keanna ang ilang detalye tungkol sa kanilang relasyon. Halata sa kanyang mga kuwento ang kasiyahan at pagiging bukas niya tungkol sa kanilang pagsasama, na ngayon ay umabot na ng isang taon.
Aminado si Keanna na hindi niya inakalang mauuwi sa seryosong relasyon ang pagkakaibigan nila ni Scott.
"Yung unang-una niyang sinabi ay naaaliw siya. Sabi ko parang ginawa mo akong clown, punta ka na lang ng comedy bar. ‘Di niya alam na nami-miss niya na ako pag-uwi niya. So parang na-develop na. Hindi naman din niya balak na magiging kami kasi sabi niya nagulat lang din daw siya na bakit daw nami-miss niya ako,” pagbabahagi ni Keanna.
Nag-ugat pala ang kanilang relasyon sa isang matagal nang pagkakaibigan. Ayon sa kanya, una silang nagkakilala noong 17 pa lamang si Scott, at sa tulong ng dating manager ng binata—na kaibigan din ni Keanna—naging malapit sila sa isa’t isa. Sa kabila nito, hindi sila agad naging magkasintahan. Malinaw sa aktres ang kanyang paninindigan pagdating sa edad.
“Hindi, ayoko ng mga bata. Ayoko ng minor. Mako-Colombia naman tayo pag ganoon, Colombia, kulong. Para naman tayong walang kinatandaan," biro ni Keanna, sabay tawa.
Ngayong nasa tamang edad na si Scott, naging mas bukas na sila sa posibilidad ng pagmamahalan. Ayon kay Keanna, mas pinili nilang sundin ang nararamdaman kaysa pakinggan ang mga opinyon ng iba. Para sa kanya, mahalaga ang respeto at pagkakaintindihan sa relasyon, anuman ang age gap.
Ibinahagi rin ng komedyante ang mga karanasan nilang magkasama sa labas, lalo na kapag sila ay lumalabas sa publiko. Aniya, hindi na bago sa kanya ang mapagtakang tingin ng mga tao. Minsan nga raw ay napagkakamalan siyang ina ni Scott.
“Mayroon time na (nagtanong), ‘Mama mo?’ Nasanay na lang ako. Wala lang. Ang tinitingnan ko yung reaksyon ng lalaki kung ikinakahiya ba ako,” sabi ni Keanna nang may kumpiyansa.
Hindi rin daw siya nahihiyang ipakilala si Scott sa kanyang mga kaibigan o lumabas kasama ito. Para kay Keanna, mas mahalaga ang pagkakaroon ng kasamang nagpapasaya at gumagalang sa'yo, kaysa tumugon sa mga pamantayang itinakda ng lipunan.
Ayon pa sa aktres, si Scott ay isang mabuting tao na may malasakit at paggalang sa kanya. Hindi raw basehan ang edad kung tunay ang intensyon at may respeto sa pagitan ng dalawang tao.
“Basta may respeto, pagmamahal, at pagtitiwala, kahit pa ilang taon ang pagitan niyo, hindi ‘yon magiging sagabal. Ang mahalaga, pareho kayong masaya,” pagtatapos ni Keanna.
Ang kwento ng kanilang pagmamahalan ay isang paalala na ang pag-ibig ay walang pinipiling edad. Sa kabila ng mga puna at reaksyon ng lipunan, mas pinipili nina Keanna at Scott ang sundin ang tibok ng kanilang puso—at sa kasalukuyan, malinaw na ito ay tunay na nagpapasaya sa kanila pareho.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!