Ibinahagi ng dating “It’s Showtime” host at content creator na si Eric “Eruption” Tai ang kanyang saloobin laban sa mga mapanirang komento sa katawan ng kanyang asawa na si Rona. Sa isang Facebook post, matapang niyang tinawag ang pansin ng mga netizen na nanghamak sa itsura at timbang ni Rona, matapos nilang ibahagi ang ilang mga larawan at video mula sa kanilang fitness journey.
Ayon kay Tai, may mga nagsabing, “Ang taba mo na,” “Isama mo sa gym ang asawa mo,” at mas malupit pa, tinawag itong “yobab.” Hindi ito pinalampas ni Tai at sinabi niyang bago tayo manghusga sa katawan ng isang tao, lalo na kung ito ay tumaba o nagbago ang anyo, tanungin muna natin ang ating sarili kung alam ba talaga natin ang pinagdadaanan ng taong iyon.
Ikinuwento rin ni Tai ang masalimuot na karanasan ng kanyang asawa — mula sa apat na beses na operasyon sa tuhod dahil sa aksidente sa snowboarding, dalawang beses na pagkalaglag ng dinadala, at isang napakadelikadong panganganak na halos ikinasawi ni Rona. Ayon sa mga doktor, malabo na raw itong muling magdalang-tao dahil sa pagkawala ng parehong fallopian tubes at isang obaryo.
Ngunit sa kabila ng lahat, isang himala ang dumating sa kanilang buhay — ang kanilang anak na si Legend. Tinawag ni Tai na “one-shot IVF miracle baby” si Legend dahil sa napakabihirang pagkakataon na mabuo siya. Gayunpaman, hindi naging madali ang lahat. Muntik nang bawian ng buhay si Rona noong araw ng kanyang panganganak, isang traumang hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang natutuldukan.
Bukod sa mga pisikal na karamdaman, dumaan din ang kanilang pamilya sa emosyonal na pagsubok matapos nilang mawalan ng tatlong alagang aso — sina Lilo, Tyger, at Nalah — na lalo pang nagpabigat sa kanilang damdamin sa nakaraang mga taon.
Dahil sa lahat ng pinagdaanan, hindi maiiwasang magbago ang katawan ni Rona. Ngunit giit ni Tai, hindi ito dahilan para kutyain siya. Aniya, “So yes, her body changed. Because her life changed. Because her heart broke again and again, while she kept showing up, surviving, loving, and mothering.”
Binanggit din niya na hindi tamad o pabaya ang kanyang asawa, gaya ng ipinapahiwatig ng iba. “She was surviving,” aniya — ipinapahiwatig na sa kabila ng lahat ng sakit at pagsubok, pinili pa rin ni Rona na bumangon at ipagpatuloy ang buhay para sa kanilang pamilya.
Nagpaalala rin si Tai sa mga tao na maging mas maunawain.
“You may see extra weight, but I see extraordinary strength,” he said. “Behind every body is a journey. Behind every scar is a survival. Behind my wife’s strength is a woman who’s lost more than most… and still kept going.”
Ang mensahe ni Tai ay isang paalala sa ating lahat na ang bawat tao ay may kanya-kanyang pinagdadaanan. Hindi natin alam ang buong kwento sa likod ng kanilang anyo, kaya’t hindi tayo dapat basta-basta humusga. Sa panahon ngayon na laganap ang body shaming at panghuhusga sa social media, mas nararapat na pairalin ang pag-unawa, respeto, at empatiya sa isa’t isa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!