Malungkot na ibinahagi ng aktor at dating senador na si Bong Revilla, Jr. ang kanyang pagdadalamhati sa pagkawala ng beteranang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis. Sa isang emosyonal na post sa kanyang Facebook account nitong Biyernes, Hulyo 4, inalala ni Revilla ang mga alaala at koneksyon niya sa yumaong si Lolit.
Ayon kay Revilla, labis ang sakit na kanyang nararamdaman sa pagkawala ng isa sa pinakamalapit niyang tagapayo at kaibigan sa industriya. Ibinahagi niya na hindi lamang basta manager si Lolit sa kanya, kundi isa ring ina na naging bahagi ng kanyang personal at propesyonal na buhay.
“Pahinga ka na. Wala nang sakit; wala nang hirap. Sobra kitang mami-miss,” emosyonal na pahayag ng dating senador.
Ipinahayag din niya ang taos-pusong pasasalamat kay Lolit sa lahat ng sakripisyo at pagmamahal na ibinigay nito sa kanya at sa kanyang pamilya. Tinukoy ni Revilla na si Lolit ay naging haligi sa kanyang karera, isang matatag na tagapagtanggol, at higit sa lahat, isang inang naging katuwang niya sa maraming laban sa buhay.
“Maraming salamat sa pagmamahal at pagkalinga. You have been a solid rock for me, a staunch defender, and most importantly - a mother who took care of me and my family up to your last days with us,” dagdag pa niya.
Inihayag din ng aktor na ang pagpanaw ni Lolit ay parang muling pagkawala ng isang tunay na ina para sa kanya. Ayon kay Revilla, hindi matatawaran ang naging kontribusyon ni Lolit sa industriya ng showbiz, hindi lamang sa larangan ng pagsusulat, kundi lalo na sa pagbibigay ng gabay at suporta sa mga artista sa likod ng kamera.
“Ang aming taus-pusong pakikiramay sa lahat ng iyong naiwan. Lahat kami ay nagluluksa. Mahal na mahal ka namin,” saad niya.
Sa huli, nagpaabot si Revilla ng pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Lolit Solis. Aniya, patuloy nilang aalalahanin ang magandang alaala at pamana ng yumaong kolumnista. Ang kanyang kabutihan at dedikasyon sa kanyang mga alaga at sa showbiz ay mananatiling buhay sa puso ng mga taong kanyang minahal.
Ang pamamaalam ni Lolit Solis ay tunay na nag-iwan ng malaking puwang sa puso ng mga taong naging bahagi ng kanyang buhay. Isa siyang haligi ng showbiz journalism sa Pilipinas, at ang kanyang pagpanaw ay damang-dama hindi lamang ng kanyang pamilya, kundi ng buong industriya.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!