Naglabas ng saloobin ang kilalang showbiz insider at vlogger na si Ogie Diaz bilang pagtatanggol kina Vilma Santos, Luis Manzano, at Ryan Christian Recto na umani ng batikos sa social media dahil sa paggamit umano ng air-conditioned na trak habang nasa campaign motorcade sa lalawigan ng Batangas.
Sa isang Facebook post na reaksyon ni Ogie sa ulat hinggil sa kampanya ng pamilya Santos-Recto, tinuligsa niya ang mga negatibong komento na umikot online. Ayon sa kanya, tila napakababaw ng dahilan ng ilan para batikusin ang mga ito.
“Bina-bash sina Ate Vi Vilma Santos-Recto at Lucky Manzano dahil ano ba naman daw yang motorcade nila? Naka-aircon pa sila samantalang yung mga taong sumasalubong sa kanila ay init na init. Kalokah!” ani Ogie.
“Ang dami-dami pang nega comment na nagsimula lang sa aircon.”
Dagdag pa niya, hindi raw ito dapat maging batayan sa paghusga sa isang kandidato. Hinikayat niya ang publiko na imbes na pansinin ang sasakyan, ay mas bigyang pansin ang kakayahan ng kandidato sa paglilingkod.
“Hay, nako! Saka nyo na batikusin kung pag naluklok na eh hindi nyo maramdaman ang tapat na paglilingkod sa mamamayan,” sabi ni Ogie.
Ayon pa sa kanya, may ibang kandidato na sumasakay sa mga bukas na sasakyan o gumagamit ng simpleng pamaypay at bentilador tuwing campaign caravan. Ngunit hindi raw ito nangangahulugan ng epektibong pamumuno. Hindi aniya dapat ang uri ng sasakyan o anyo ng kampanya ang maging basehan ng mga botante.
“Kung yun ang batayan ng iba, eh ‘di ‘wag silang iboto. Pero kung sa kalidad kayo ng serbisyo naka-focus at hindi dumedepende sa ganda ng sinasakyan during motorcade, mas malakas maka-matalino yung gano’n,” paliwanag ni Ogie.
Sa darating na halalan, si Vilma Santos ay tumatakbo bilang gobernador ng Batangas. Kasama niyang tumatakbo ang anak na si Luis Manzano bilang bise gobernador, at si Ryan Christian Recto bilang kinatawan sa kongreso. Ang kanilang kampanya ay sinamahan ng motorcade na tila naging sentro ng atensyon hindi dahil sa plataporma kundi dahil sa air-conditioned na trak na kanilang sinakyan.
Samantala, iginiit din ni Ogie na natural lamang para sa isang politiko na gustuhin ang komportableng transportasyon lalo na’t ilang oras ang ginugugol sa initan at trapiko. Ngunit aniya, hindi ito nangangahulugan ng kawalan ng malasakit sa mga mamamayan.
“Hindi porket komportable sila habang nakasakay, ibig sabihin wala na silang pakialam sa mga tao. Mas importante pa rin kung paano sila magtrabaho kapag nabigyan ng pagkakataon sa puwesto,” diin ni Diaz.
Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga netizen: “Magkaroon tayo ng mas malalim na batayan sa pagpili ng mga lider. Hindi sa hitsura ng motorcade, kundi sa kung paano nila tayo tunay na mapaglilingkuran.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!