Mga Sikat Na Personalidad Na Nagtagumpay Sa Halalan 2025

Martes, Mayo 13, 2025

/ by Lovely


 Ngayong taon sa 2025 midterm elections, muling pinatunayan ng mga kilalang personalidad mula sa industriya ng showbiz at sports na malakas pa rin ang kanilang hatak sa mga botante, matapos silang manguna sa iba't ibang posisyon sa gobyerno.


Pagkatapos ng pagsasara ng mga presinto sa buong bansa nitong Mayo 12, 2025, agad na lumabas ang mga hindi pa opisyal na resulta ng halalan. Batay sa mga ulat mula sa Commission on Elections (Comelec) bandang ala-1:38 ng madaling araw ng Mayo 13, lumilitaw na pasok sa Top 12 sa senatorial race ang batikang mamamahayag na si Erwin Tulfo, dating Senate President at kilalang TV personality na si Tito Sotto, at ang action star na si Lito Lapid.


Hindi rin nagpahuli sa House of Representatives ang ilang sikat na pangalan sa showbiz. Kabilang sa mga siguradong panalo ay sina Richard Gomez na kinatawan ng ika-4 na distrito ng Leyte, Arjo Atayde mula sa unang distrito ng Quezon City, at Jolo Revilla na nanalo sa unang distrito ng Cavite.


Sa parehong lalawigan ng Cavite, nanalo rin si Lani Mercado bilang kinatawan ng ika-2 distrito. Samantala, sa Quezon City, nagtagumpay si dating PBA player na si Franz Pumaren sa ikatlong distrito. Wagi rin si Cutie del Mar sa unang distrito ng Cebu City, habang si Ryan Christian Recto, anak nina Vilma Santos at Ralph Recto, ay nanalo bilang kinatawan ng ika-6 na distrito ng Batangas.


Bukod sa mga kongresista, muling bumalik sa eksena si Vilma Santos bilang gobernador ng Batangas. Sa lalawigan naman ng Bulacan, nagtagumpay sina Daniel Fernando at Alex Castro bilang gobernador at bise gobernador. Sa Laguna, panalo rin si Sol Aragones, dating mamamahayag ng ABS-CBN, bilang bagong gobernador ng lalawigan.


Sa lokal na pamahalaan, wagi rin ang mga kilalang personalidad. Sa Maynila, si Isko Moreno ay nagbalik bilang alkalde. Sa Ormoc City, Leyte, si Lucy Torres-Gomez ay muling nahalal bilang mayor. Sa bayan ng Bulacan, Bulacan, panalo ang dating PBA player na si Vergel Meneses bilang alkalde.


Sa Pasig City, walang kahirap-hirap na nakamit ni Vico Sotto ang kanyang ikatlong termino bilang mayor. Kaakibat nito, wagi rin ang kanyang vice mayoral candidate na si Dodot Jaworski, dating PBA player at asawa ni Mikee Cojuangco. Sa Quezon City, muli ring nahalal si Gian Sotto bilang bise alkalde.


Sa Pagsanjan, Laguna, panalo ang aktor na si ER Ejercito bilang alkalde, bagamat may agam-agam pa kung siya’y makakaupo dahil sa hatol ng Korte Suprema kaugnay ng kasong katiwalian.


Sa antas ng konseho, nanguna si Jhong Hilario sa unang distrito ng Makati. Sa Pasig, nanalo rin sina Angelu de Leon sa ikalawang distrito at si Kiko Rustia sa unang distrito. Sa Quezon City, muling nailuklok sina Aiko Melendez at Alfred Vargas sa ikalimang distrito. Sa Maynila, nagwagi ang anak ni Isko Moreno na si Joaquin Domagoso sa unang distrito at si Lou Veloso naman sa ika-anim.


Sa San Juan City, balik-konseho sina dating PBA stars na sina James Yap, Don Allado, at ang aktor na si Ervic Vijandre. Sa Pampanga, nanguna rin sina JC Parker at Maricel Morales sa Angeles City. Sa Taytay, Rizal, nanalo rin si Cai Cortez bilang konsehal.


Hindi rin nagpahuli sa provincial level sina Jestoni Alarcon (Rizal, 1st District), Angelica Jones (Laguna, 3rd District), Arron Villaflor (Tarlac, 2nd District), at Jason Abalos (Nueva Ecija, 2nd District) sa kanilang pagkapanalo bilang board members.


Tunay ngang patuloy ang pagtawid ng mga kilalang personalidad mula sa showbiz at sports patungong serbisyo publiko—isang patunay na malaki pa rin ang tiwala ng sambayanan sa kanila.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo