Isa sa mga pinakahinihintay tuwing anibersaryo ng noontime show na It’s Showtime ay ang taunang “Magpasikat” performances, kung saan ang bawat host ay nagpapakita ng kani-kanilang mga bonggang production number. Taon-taon, inaabangan ito ng mga Madlang People dahil sa kahanga-hangang effort, creativity, at emosyon na ibinubuhos ng bawat team.
Ngunit sa pagdiriwang ng ika-16 na anibersaryo ng programa ngayong taon, napansin ng mga manonood na walang ginanap na “Magpasikat.” Marami ang nagtaka, kaya ipinaliwanag mismo ni Vice Ganda sa isang episode noong Biyernes kung bakit nila napiling laktawan ito ngayong taon.
Ayon kay Vice, isa sa mga pangunahing dahilan ay ang sobrang laki na ng gastos na kailangan para maisakatuparan ang bawat performance.
“Every year kasi ‘pag nagpapasikat kami, we spend like minimum of six million per production number,” paliwanag ng komedyante-host.
Dagdag pa ni Vice, hindi biro ang kalidad at antas ng Magpasikat performances sa mga nakalipas na taon.
“Ang taas na kasi ng standard ng Showtime — ng mga hosts, ng staff, ng production, pati na rin ng expectations ng Madlang People,” aniya.
Inamin ni Vice na bagama’t masaya at makabuluhan ang ginagawa nilang mga palabas, dumating na sila sa puntong kailangan nilang harapin ang realidad.
“We have been trying our very best pero naisip namin every year, per day, per prod, minimum of six million. Minsan umaabot ng sampung milyon, so kung susumahin mo 'yan sa isang linggo, para sa isang linggo lang na selebrayon, magkano 'yung ginagastos namin."
Ayon pa sa kanya, dati ay kayang-kaya ng show na maglaan ng ganoong budget, pero ngayon, dahil sa pagbabago ng sitwasyon sa industriya at ekonomiya, mas naging mahirap na itong sustentuhan.
"Eh dati, ang saya kasi afford namin. Right now, unfortunately and realistically, we can't afford that anymore. I'm sure you understand and you know why,” dagdag ni Vice.
Gayunpaman, tiniyak ni Vice Ganda na hindi ito nangangahulugang magiging simple o kulang ang kanilang anibersaryo. Bagkus, maghahanda raw sila ng mas meaningful na pagdiriwang sa darating na Disyembre.
“Gusto pa rin namin ng extra at memorable celebration, kasi ‘Showtime’ is extra,” aniya.
Ayon pa kay Vice, ang layunin nila ngayon ay hindi lamang magpasaya kundi magbigay-inspirasyon at makatulong.
“We are trying to educate people, to be the voice of the people. Sinusubukan namin maging boses ng mga masa, sinusubukan namin maipakita ang katotohanan ng buhay sa Pilipinas. At ang realidad sa Pilipinas, ang dami nating kababayan na nangangailangan ng tulong.”
Kasabay nito, nagbigay rin siya ng teaser tungkol sa isang bonggang week-long segment ng Laro Laro Pick na magiging bahagi ng selebrasyon.
“One week, malalang Laro Laro Pick so entertaining at mas maraming buhay ang mababago natin ng ating mga Kapamilyang, Kapusong mga Pilipino,” saad niya.
Dagdag pa ni Vice, ang layunin ng kanilang pagdiriwang ay hindi lamang para magpatawa o magpasikat, kundi para magbigay ng tulong sa mga tunay na nangangailangan.
“Sa pag-ce-celebrate natin niyan, hindi lang tayo magpapatawa, magsasayaw, magbibitin, gagastos ng pera. We will try to help our Madlang People build and rebuild their lives.”
Mula nang ilipat ang It’s Showtime sa GMA’s GTV noong Hulyo 2023, patuloy nitong pinapatunayan na isa ito sa mga pinakapinagkakatiwalaan at pinakaminamahal na noontime shows sa bansa — ngayon, mas nakatuon hindi lang sa entertainment, kundi sa pagbibigay ng tunay na serbisyo at malasakit.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!