Naglabas ng malinaw at opisyal na pahayag ang Regal Entertainment, Inc. upang tuldukan ang mga kumakalat na tsismis online na si Ivana Alawi umano ang dahilan ng pagkaantala sa shooting ng pelikulang “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.”
Kamakailan, naging mainit na paksa sa social media, partikular sa forum platform na Reddit, ang mga usapan na nagkaroon daw ng delay sa production ng nasabing pelikula dahil sa umano’y attitude problem ng Kapamilya actress. Ayon sa mga tsismis na kumalat, nahirapan daw ang production team na matapos ang ilang eksena dahil sa pagiging “unprofessional” umano ni Ivana.
Gayunman, mabilis itong pinabulaanan ng mismong Regal Entertainment, na siyang producer at financier ng naturang proyekto. Sa isang opisyal na statement na inilabas sa kanilang verified social media accounts, nilinaw ng kompanya na walang katotohanan ang mga balitang kumakalat online.
"Regal Entertainment, Inc. clarifies that recent online posts about the production of Shake, Rattle & Roll: Evil Origins and false claims involving Ms. Ivana Alawi are entirely untrue," saad ng Regal Entertainment. Dagdag pa nila, maayos at ayon sa iskedyul ang naging takbo ng buong shooting.
Binigyang-diin pa ng kumpanya na sa buong proseso ng paggawa ng pelikula, ipinakita ni Ivana ang mataas na antas ng propesyonalismo at dedikasyon sa kanyang trabaho. “The film’s production proceeded smoothly and wrapped on schedule, with Ms. Alawi demonstrating utmost professionalism and dedication throughout,” nakasaad sa opisyal na pahayag.
Nilinaw rin ng Regal na ang nasabing pelikula ay 100% proyekto ng Regal Entertainment — mula sa development, financing, hanggang sa production. “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins is a 100% Regal Entertainment, Inc. project — developed, produced, and financed solely by the company,” dagdag pa nila.
Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, hinikayat ng Regal Entertainment ang publiko na huwag basta maniwala sa mga unverified posts o mga tsismis na walang basehan. “We urge the public to avoid engaging with unverified information and to rely only on Regal Entertainment’s official pages for accurate updates,” saad ng kumpanya.
Kinumpirma rin ng Regal Entertainment CEO na si Roselle Monteverde ang katotohanan ng nasabing pahayag. Ayon sa kanya, walang katiting na katotohanan ang mga kumakalat na balita na si Ivana ang dahilan ng anumang delay. Lahat daw ng impormasyon na lumalabas sa ilang social media pages ay gawa-gawa lamang ng mga taong walang sapat na kaalaman tungkol sa aktwal na proseso ng shooting.
Hanggang sa ngayon, nananatiling tahimik ang panig ni Ivana Alawi tungkol sa isyung ito. Gayunpaman, marami sa mga tagahanga ng aktres ang nagpaabot ng kanilang suporta sa social media, sinasabing kilala si Ivana bilang isang masipag at propesyonal na artista sa bawat proyekto niya.
Ang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ay isa sa mga inaabangang pelikula sa darating na 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF). Sa ilalim ng produksyon ng Regal Entertainment, inaasahang magbibigay ito ng panibagong takot at saya sa mga manonood — isang modernong bersyon ng klasikong horror anthology na minahal ng maraming Pilipino.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!