Nag-uumapaw sa galing at karisma si Kolette Madelo sa kanyang pinakabagong music video na pinamagatang "Galaw Galaw." Sa loob lamang ng tatlong araw mula nang ito ay i-upload sa YouTube, umabot na agad sa mahigit 100,000 views, patunay na patok ito sa mga manonood at tagahanga ng rising star.
Sa nasabing MV, todo bigay ang energy ni Kolette habang pinapakita ang kanyang talento sa pagsayaw. Hindi maikakailang marami ang nakapansin sa kanyang confident at polished na galaw — at inihalintulad pa nga ng ilang fans ang kanyang dance performance sa istilo ni Maja Salvador, isa sa mga hinahangaang dancer-actress sa industriya.
Ayon kay Kolette, hindi naging madali ang proseso ng pagre-record ng awiting “Galaw Galaw.” Isa sa mga naging hamon sa kanya ay ang paglalagay ng tamang “attitude” o lambing sa kanyang boses habang kumakanta.
“Dapat kasi may landi ‘yung boses pero hindi ako marunong paano gawin iyon kaya paulit-ulit kami sa recording,” pagbabahagi niya sa isang panayam kasama ang Star Music.
Ngunit sa kabila ng mga pagsubok, naging proud si Kolette sa naging output. Bukod sa catchy na tunog ng kanta, hangarin din niya na makapagbigay ng inspirasyon sa mga tagahanga, lalo na sa mga kabataang nangangailangan ng dagdag na kumpiyansa sa sarili.
“Sana namo-motivate sila sa lahat ng ginagawa nila, mapa-relationship man ‘yan o sa pangarap mo. Sana makatulong na magkaroon sila ng self-confidence sa sarili nila,” dagdag pa ni Kolette.
Hindi lang sa musika humahataw si Kolette. Patok din siya ngayon sa mundo ng acting, lalo na sa kanyang karakter bilang Tin, isang witty at nakakaaliw na hacker sa teleseryeng “Sins of the Father.” Ayon sa mga manonood, nagdadala ng kakaibang energy si Kolette sa bawat eksena, at napapa-smile sila sa natural na humor ng kanyang character.
Bukod dito, tila may nabubuong kilig sa pagitan ni Kolette at ng kapwa aktor na si Elyson De Dios. Madalas silang magkasama sa mga mall shows, at kahit wala pa silang eksenang magkasama sa teleserye, kapansin-pansin na agad ang chemistry nila tuwing sila ay nasa mga public appearances.
Ayon sa ilang fans, bagay na bagay raw silang maging love team dahil parehong may charm, natural sa harap ng kamera, at magaan panoorin. Wala pa mang opisyal na kumpirmasyon ukol dito, pero marami na ang umaasa na magkakaroon sila ng proyekto na magpapakita ng kanilang tambalan sa telebisyon o pelikula.
Sa ngayon, patuloy na pinapatunayan ni Kolette Madelo na isa siyang artistang dapat abangan — hindi lamang sa musika kundi maging sa pag-arte. Sa kanyang passion, dedication, at genuine personality, unti-unti niyang nabubuo ang sarili niyang pangalan sa industriya.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!