Masayang ibinalita ni Jinkee Pacquiao sa kanyang social media followers na siya at ang asawang si Manny Pacquiao ay malapit nang maging mga lolo’t lola. Sa isang emosyonal at puno ng pasasalamat na post sa kanyang Facebook account nitong Oktubre 14, inalala ni Jinkee ang kanyang naging karanasan bilang isang ina, habang sabik na naghihintay sa bagong yugto ng kanilang buhay—ang pagkakaroon ng apo.
Sa kanyang post, ibinahagi ni Jinkee ang mga alaala ng unang beses na siya ay naging ina, partikular kay Jimuel, ang kanilang panganay. Ayon sa kanya, ang araw na iyon ay naging turning point ng kanyang buhay.
“The day I became your mother, my world changed instantly,” ani ni Jinkee. Kasabay ng pagsilang ng anak ay ang pagsilang din ng isang bagong bersyon ng kanyang sarili—isang taong mas malambot, pagod pero mas pinanday ng karanasan bilang isang ina.
“It marked the start of a new version of myself, one that is tender, tired, and transformed,” dagdag pa niya, na malinaw na ipinapakita ang lalim ng emosyon at pagmamahal na dala ng pagiging isang ina.
Ngayon, makalipas ang maraming taon, hindi pa rin makapaniwala si Jinkee na ang kanyang dating sanggol ay malapit nang maging isang ama. Sa isang linya na punong-puno ng damdamin, sinabi niyang tila napakabilis ng paglipas ng panahon.
“Grabe, kapaspas gyud sa panahon. Sunod bulan naa na koy apo,” saad ni Jinkee sa wikang Bisaya, na nagpapahayag ng kanyang pagtataka at kasabikan para sa bagong miyembro ng kanilang pamilya.
Sa gitna ng emosyon, hindi rin nakalimot si Jinkee na pasalamatan ang Diyos para sa panibagong biyayang kanilang matatanggap. Ayon sa kanya, tunay na mabuti ang Diyos at patuloy silang pinagpapala.
“So grateful to God. He is indeed good all the time!” aniya.
Si Jimuel Pacquiao, ang anak nina Manny at Jinkee, ay matagal nang nasa mata ng publiko. Sa kabila ng pagiging anak ng isang boxing legend at senador, pinili rin nitong tahakin ang sarili niyang landas—mula sa pag-aaral, pagmo-model, at sa kanyang pagpasok sa larangan ng entertainment at boxing.
Habang wala pang detalyeng ibinabahagi si Jimuel sa publiko tungkol sa kanyang magiging anak, malinaw sa mga salita ni Jinkee na puno ng excitement at pagmamahal ang buong pamilya sa pagdating ng kanilang magiging apo.
Marami sa kanilang fans at followers ang natuwa sa balita, agad na bumaha ng pagbati at good wishes sa comments section ng kanyang post. Para sa karamihan, ang makitang lumalaki at nagkakaroon ng sariling pamilya ang mga anak ay isa sa mga pinakamasarap na pakiramdam bilang magulang.
Ngayong papasok na sina Manny at Jinkee sa panibagong yugto bilang grandparents, inaasahan ng marami na mas lalo pa nilang ibabahagi ang mga makabuluhang sandali sa kanilang pamilya—at syempre, ang mga special moments kasama ang kanilang kauna-unahang apo.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!