Upang ipakita sa publiko na ligtas pa ring kainin ang mga isda mula sa Lawa ng Taal, personal na kumain si Batangas Governor Vilma Santos-Recto ng tawilis—isang isdang endemic o likas sa nasabing lawa. Sa pamamagitan ng isang video na ibinahagi niya sa kanyang opisyal na Facebook page, ipinamalas ng dating aktres at kasalukuyang gobernador na wala dapat ikabahala ang publiko sa mga isdang nagmumula sa Taal Lake.
Makikita sa naturang video na habang kumakain si “Ate Vi,” ay masigla nitong sinasabi ang kanyang panig sa isyu: “Nothing to worry with all these issues about our Taal, nothing to worry. First of all, ang mga isda po natin diyan, like tilapia and bangus, cultured ‘yan. May mga fishpen po ‘yan, na alaga ‘yang mga ‘yan,” aniya.
Ipinunto rin ng gobernador ang kalikasan ng tawilis bilang isang uri ng isda na hindi kumakain ng karne o mga laman-loob. “Tapos ang tawilis po natin, non-carnivorous. Hindi ito kumakain ng mga laman-laman, usually halaman ito, ang kinakain nito,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mga balita at haka-haka na lumabas sa publiko, hinikayat ni Ate Vi ang lahat na huwag mawalan ng tiwala sa mga produktong isda mula sa kanilang probinsya. “Hindi dapat maapektuhan ang kabuhayan ng ating mga mangingisda at ang pagtangkilik ng publiko sa masasarap at masusustansyang isda gaya ng tawilis, tilapia, bangus, at maliputo,” paliwanag ng gobernadora.
Binigyang-diin din niya na napakalawak ng Lawa ng Taal at hindi naman lahat ng bahagi nito ay apektado ng mga isyung lumalabas. “Ang mahalaga, ang mga isda rito ay inaalagaan at sinusubaybayan ang kalidad ng tubig kung saan sila lumalangoy. Kaya, relax lang po. Walang dapat ipag-alala. Masarap pa rin ang ating mga isda. Enjoyin natin ang tawilis, tilapia, bangus, at syempre, ang maliputo na isa sa ipinagmamalaki nating delicacy sa Batangas.”
Nag-ugat ang pangamba ng publiko matapos umugong ang alegasyon mula sa isang whistleblower na diumano’y ginamit ang bahagi ng Taal Lake bilang taguan o tapunan ng mga bangkay ng nawawalang sabungero. Ang alegasyong ito ay naging sanhi ng pagbaba ng benta sa mga isda mula sa lawa, lalo na sa mga palengke ng Batangas at mga kalapit-lugar.
Gayunpaman, sa kabila ng kontrobersya, matibay ang paninindigan ni Governor Vilma Santos-Recto na walang dapat ikatakot pagdating sa pagkain ng isdang mula sa Taal. Ayon sa kanya, dapat mas maging responsable ang publiko sa pagkuha ng impormasyon at iwasan ang agad-agad na paniniwala sa mga ispekulasyon.
“Hindi dapat maapektuhan ang pagkain ng magagandang isda na mayroon diyan [sa Taal Lake]. Napakalawak ng Taal Lake, ang importante mga isda diyan, alaga po. So nothing to worry. Enjoy tawilis, enjoy tilapia and enjoy our bangus and maliputo,” ani Ate Vi. Dagdag pa niya, tuloy-tuloy din ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga ahensyang tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang masiguro ang kaligtasan at kalidad ng mga pagkaing-dagat sa kanilang nasasakupan.
Sa huli, sinabi ni Ate Vi na mas nararapat na palaganapin ang tamang impormasyon kaysa sa mga haka-haka. Sa kanyang aktwal na pagkain ng tawilis sa video, pinatunayan niyang buo ang kanyang tiwala sa kalinisan at kalidad ng mga isda mula sa Taal Lake.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!