Nagbigay ng opisyal na pahayag ang kompanyang PrimeWater matapos mag-viral sa social media ang hinaing ng aktres na si Carla Abellana kaugnay sa serbisyo ng nasabing water provider.
Sa kanyang social media post, ipinahayag ni Carla ang pagkadismaya matapos makatanggap ng email mula sa PrimeWater tungkol sa hindi pa bayad na bill ng tubig para sa kanyang ari-arian sa Tagaytay City. Ayon sa email, naka-schedule na umano ang pagputol ng serbisyo sa tubig dahil sa nasabing pagkakautang.
Hindi naman ikinaila ni Carla na hindi pa siya nakakabayad, ngunit binigyang-diin niyang hindi rin daw niya nararamdaman ang benepisyo ng serbisyo mula sa kumpanya. Aniya, halos araw-araw ay wala rin namang tumutubong tubig sa kanilang gripo kaya para sa kanya, ayos lang kung maputulan man siya. Sa kanyang saloobin, tila walang saysay ang pagbabayad ng buwanang bill kung halos wala namang tubig na dumadaloy.
Bilang tugon, nilinaw ng PrimeWater ang ilang mga isyu sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag na inilabas noong Linggo, Hunyo 29. Ayon sa kompanya, lahat ng aktibong account ay may tinatawag na minimum monthly billing kahit pa mababa o halos wala ang paggamit ng tubig.
Paliwanag ng PrimeWater, ang account ni Ms. Abellana ay aktibo pa rin at may minimum na konsumo na isang cubic meter kada buwan. Dahil dito, may standard na singil na P194, bukod pa sa karagdagang P20 para sa maintenance ng water meter. Ito umano ay alinsunod sa pamantayan sa utility services sa bansa, kung saan kahit hindi ginagamit ang serbisyo, may nakatakdang bayad para sa pagpapanatili ng systema at kagamitan.
“Ms. Abellana’s account remains active with a minimum consumption of 1 cubic meter, which explains the standard P194 bill, along with a P20 meter maintenance charge. In accordance with standard utility practices, all active accounts receive a minimum monthly bill regardless of usage. Our team also made an initial visit to the property and spoke with the caretaker to explain the concern and extend support.”
Bukod pa rito, sinabi rin ng kumpanya na agad silang nagpadala ng tauhan sa nasabing property upang personal na makipag-ugnayan sa caretaker ng bahay. Layunin daw nito na ipaliwanag ang sitwasyon at alukin ng suporta kung kinakailangan.
Dagdag pa ng PrimeWater, patuloy nilang pinagsisikapan na maserbisyuhan ang mga lugar na may kakulangan sa suplay ng tubig. Araw-araw umano silang nagsasagawa ng water delivery sa mga komunidad na may mababa hanggang sa wala talagang pressure ng tubig. Bahagi raw ito ng kanilang commitment na maibsan kahit paano ang abala na nararanasan ng mga apektadong residente.
Gayunman, hindi naman naging sapat ang paliwanag ng kompanya para sa ilang netizens na sumang-ayon sa aktres. Marami sa kanila ang nagbahagi ng sarili nilang karanasan sa PrimeWater at kinuwestiyon ang kalidad ng serbisyo nito. May ilan ding nagtaka kung bakit kailangang maningil ng bayad kung wala namang aktwal na serbisyong natatanggap.
Sa kabila ng lahat, umaasa ang publiko na mas magiging maayos ang serbisyo ng mga water providers, lalo na sa mga lugar na matagal nang nakararanas ng problema sa suplay ng tubig. Samantala, nananatiling bukas ang PrimeWater sa pakikipag-ugnayan sa mga kustomer upang maresolba ang anumang alalahanin ukol sa kanilang serbisyo.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!