Meiko Montefalco Ipapagiba Na Lang Ang 5M Na Bahay

Huwebes, Hulyo 10, 2025

/ by Lovely


Personal na lumapit sa programang Raffy Tulfo in Action ang content creator na si Meiko Montefalco nitong Lunes, Hulyo 7, upang idulog ang isyu kaugnay sa bahay na kanyang ipinagawa. Ayon kay Meiko, ang bahay na pinatayo nila ng kanyang asawa ay nakatayo sa lupa ng kanyang mga biyenan, at ngayon ay nagkakaroon ng gusot dahil sa kawalan ng kasunduan na legal.


Kwento ni Meiko, una sanang plano nila na ipa-renovate lang ang dating bahay, subalit nagbago sila ng desisyon at piniling magpatayo na lang ng panibagong bahay dahil mas praktikal ito sa matagalang panahon. Bago simulan ang proyekto, humingi naman sila ng pahintulot sa mga magulang ng kanyang asawa. Base sa kanyang pagkakaintindi, may “common understanding” sila ng kanyang in-laws na ibinibigay na ang lupa sa kanilang mag-asawa. Subalit, ang naging kasunduan ay purong verbal lamang—wala itong kasamang dokumento o legal na papeles.


Lumipas ang panahon at naging komplikado ang sitwasyon. Ayon kay Meiko, nagkaroon na sila ng pag-uusap ng kanyang hipag at biyenan. Lumabas sa usapan na hindi pala kayang ipaubaya ng kanyang mother-in-law ang lupa sa kanila. Giit nito, pinaghirapan daw nila ang nasabing ari-arian kaya’t hindi ito basta-basta maaaring ibigay.


Ang masakit para kay Meiko ay hindi na niya nakikitang magiging tahanan nila ang ipinagawa niyang bahay. Aniya, hindi na niya kayang tumira roon lalo na’t may tensyon na sa pagitan ng magkabilang panig. Dagdag pa niya, wala rin siyang intensyong kunin pa ang bahay—ang gusto lang niya ay makuha ang ginastos niya sa pagpapagawa, na umaabot sa humigit-kumulang apat na milyong piso. Malaki ang halagang ito para kay Meiko at sa kanyang mga anak, kaya’t gusto niyang mabawi man lang ang kahit bahagi nito upang makapagsimula silang muli.


Sa panayam, lumutang ang tanong kung may karapatan ba siyang ipagiba ang bahay kung sakaling hindi sila magkasundo ng kanyang in-laws. Ayon kay Atty. Tungol, may karapatan si Meiko sa bahay dahil siya ang nagpagawa nito. Bagaman wala siyang pagmamay-ari sa lupa, pagmamay-ari naman niya ang estruktura. Kaya kung nanaisin niya, maaari niyang ipagiba ang bahay at kunin ang mga materyales—subalit ayon sa abogado, ito ay isang masaklap na sitwasyon dahil tiyak na malulugi siya.


“Well, you own the house. It is separate from the land. Pwede mong ipagiba ‘yung bahay and get the materials, ibenta mo if it helps but lugi ka doon,”  paliwanag ni Atty. Tungol.


Sa gitna ng kanyang salaysay, hindi napigilang maiyak ni Meiko. Aniya, ang buong proyekto ay para sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Hindi raw niya alam kung sino pa ang makikinabang sa bahay kung hindi sila.


“Para po ‘yun sa mga anak ko. Hindi ko po alam kung sino ang makikinabang nun someday," umiiyak na pahayag ni Meiko.


“Kaya kung hindi po namin mapapakinabangan ng mga anak ko ‘yun, which is the sole purpose why I built the house, wala  na lang makikinabang,” dagdag pa niya.


Ang sitwasyon ni Meiko ay patunay na mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw at legal na kasunduan lalo na kung may kinalaman sa lupa at ari-arian. Sa kasong ito, kahit pa may pahintulot mula sa pamilya ng asawa, kung walang dokumentong nagsasaad ng paglipat ng pagmamay-ari, mahirap itong ipaglaban sa batas.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo