Sa unang pagkakataon ay nagsalita na ang beteranang aktres na si Gretchen Barretto tungkol sa kontrobersiyal na kaso ng pagkawala ng mahigit isang daang sabungero na umano’y konektado sa operasyon ng e-sabong. Sa opisyal na pahayag na inilabas ng kaniyang legal na kinatawan nitong Biyernes, Hulyo 4, 2025, iginiit ng panig ni Barretto na wala siyang kinalaman sa naturang isyu.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga, abogado ni Barretto, wala umanong direktang kaalaman o kaugnayan ang aktres sa pagkawala ng mga sabungero na sinasabing itinapon sa Taal Lake. Binigyang-diin ni Mallonga na si Barretto ay hindi kailanman naging operator ng mga sabungan, at hindi rin daw siya sangkot sa mismong pamamalakad ng mga e-sabong operations na matagal nang ipinatigil.
“To be clear: Ms. Barretto has only heard about, hence has no relevant knowledge concerning, the disappearances. She did not operate the sabungan, had no participation in e-sabong operations that was suspended more than 2 years ago, and was merely an investor in the business," pahayag ni Atty. Mallonga.
Pinaalalahanan din ng abogado ang publiko na mag-ingat sa mga maling impormasyon at walang basehang paratang na ipinupukol laban sa kanyang kliyente, lalo na ang mga akusasyon ni Julie Dondon Patidongan, kilala rin sa alyas na “Totoy.” Kamakailan ay nanawagan si Patidongan kay Barretto na umamin na umano sa kanyang pagkakasangkot at makipagtulungan na sa isinasagawang imbestigasyon.
Gayunman, mariing tinanggihan ito ng kampo ni Barretto, at sinabing hindi makatarungan ang pagbibintang kay Gretchen lalo na’t wala namang sapat na ebidensya na nag-uugnay sa kanya sa naturang mga insidente. Ayon pa sa pahayag, nakakadagdag lang sa pagkalito at pangamba ng publiko ang mga ganitong mapanirang salita.
Ipinaliwanag din ng kampo ng aktres na ang tanging papel lamang ni Barretto sa negosyo ay bilang isang investor. Wala siyang direktang papel o kontrol sa mga operasyon ng negosyo at hindi rin daw siya sangkot sa mga transaksyong isinasagawa ng kompanya. Sa madaling salita, isa lamang siyang tahimik na kasosyo sa pinansyal na aspeto, na karaniwan sa maraming artista o pribadong indibidwal na naghahanap ng dagdag na kita sa pamamagitan ng investment.
Dagdag pa ng kanyang tagapagsalita, si Barretto ay handang makipagtulungan sa mga awtoridad kung kinakailangan, ngunit hindi raw ito nangangahulugan na inaamin niya ang anumang pagkakasangkot. Ipinapaabot ng kampo ng aktres ang kanilang pakikiisa sa paghahanap ng katarungan para sa mga nawawala, ngunit naninindigan sila na walang basehan ang anumang pagsangkot sa aktres sa insidente.
“While he has not witnessed anything that Ms. Barretto has said or done, the whistleblower maliciously speculates she must nonetheless somehow be involved because of her close connection with Mr. Atong Ang,” anila.
Sa kabila ng mga kumakalat na ispekulasyon, hinikayat ni Atty. Mallonga ang publiko na hintayin ang resulta ng masusing imbestigasyon bago magbigay ng hatol. Nanawagan din siya sa mga mamamahayag at sa social media users na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon.
Dagdag pa ng kampo ni Barretto, pera lamang din ang ugat ng pagkakadawit sa aktres matapos siyang tumangging magbigay ng pera sa hindi pinangalanang tao.
“Ms. Baretto confirms there was an attempt to extort moneys from her, with an offer to exclude her name from the list of suspects if she paid. She refused because she had done nothing wrong.”
Ang kontrobersiya ng mga nawawalang sabungero ay patuloy na sinusubaybayan ng publiko, lalo na’t maraming pamilya ang naghahanap pa rin ng hustisya at kasagutan. Sa ngayon, ang naging pahayag ni Barretto ay malaking hakbang upang linawin ang kanyang panig sa gitna ng mga paratang at haka-haka.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!