Xian Gaza Nilaglag Na Si Ivana Alawi Para Sa Pagbabalik Ng Kanyang Account

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

/ by Lovely


 Hindi pa rin muling naibabalik hanggang ngayon ang personal na Facebook page ng kontrobersyal na internet personality na si Xian Gaza na nakapangalan bilang "Christian Albert Gaza." Ang nasabing page ay may milyon-milyong followers bago ito nawala sa social media platform, dahilan upang marami ang magtaka at magtanong kung ano ang tunay na nangyari.


Agad umani ng mga reaksiyon mula sa netizens ang biglaang pagkawala ng kanyang page. Marami ang nag-akala na may mga makapangyarihang indibidwal sa likod ng pagpapatanggal nito. Ayon sa hinala ng ilan, posibleng konektado ang insidente sa naging Facebook live video ni Gaza kung saan diretsahan niyang ipinagtanggol ang kanyang malapit na kaibigan, ang aktres at content creator na si Ivana Alawi.


Binalikan ng publiko ang isyu kung saan idinadawit ang pangalan ni Ivana sa isang kasong isinampa ni Ginang Dominique Benitez laban sa kanyang asawang si Congressman Albee Benitez ng Bacolod City. Sa reklamo ay binanggit ang umano’y relasyon ng kongresista sa aktres, dahilan upang mas lalong uminit ang usapan sa social media.


Sa huling post ni Gaza bago tuluyang nawala ang kanyang Facebook page noong Mayo 31, pabiro pa niyang sinabi:


“So bakit nga ba dinelete ni Meta ang main account ko? Mga mars follow na kayo mag live tayo good news and bad news! Paramihin lang natin ng konti!! Share and follow mga MARS.


Kasunod nito ay may dagdag pa siyang komento:

“Pati si lolo Meta nakuha ng mga Benitez. Wow paweer!”


Dahil sa pagka-disable ng kanyang main page, gumamit si Xian ng isa pang account na pinangalanan niyang “Xian Gaza,” kung saan patuloy siyang nagpo-post ng mga komentaryo tungkol sa isyu. Isa sa mga serye ng post niya ay may itim na background na may mensaheng tila may pasaring sa mga taong umano’y sangkot sa pagkawala ng kanyang account.


Nagpatuloy ang mga post ni Gaza, kung saan tila ipinahiwatig niyang may namamagitan nga kina Ivana Alawi at Cong. Albee Benitez. May mga pahayag siyang nagpapakita ng kanyang pagka-disgusto sa tila “pang-aabuso” ng kapangyarihan upang mapatahimik siya sa social media. Ayon kay Gaza, pinipilit lamang ng anak na si Mayor Javi Benitez na ayusin ang gusot ng kanyang mga magulang, ngunit matigas na raw ang pasya ng ama na hiwalayan ang kanyang asawa.


Aniya, “Ang anak na mayor, eh, walang magawa sa desisyon ng kanyang ama, ang mensahe ng kanyang ama sa kanya, eh, “anak lang kita! Wala kang Karapatan na diktahan ako! Apaka ganda mo mars Ivana!"


Dagdag pa niya, “Hindi nyo rin masisisi ‘yung padre de pamilya, napakaganda naman kasi sobra ni mars Ivana Alawi."


Hindi rin nagdalawang-isip si Gaza na umapela kay Ivana sa kanyang mga post. Pabirong pakiusap niya, “Mars Ivana Alawi, pakisabi naman sa jowa mo, tantanan na ako. Inaraw-araw na ako, eh. Takot ba?”


Bilang patunay na hindi siya natatakot, may paandar pa si Gaza sa kanyang followers, kung saan nagtanong siya kung may kilala silang nagbebenta ng bulletproof vest.


Aniya, “Mag-update na lang ako mga mars kung may tagas na sa tagiliran ko. Nagbayad ng malalaking halaga para lang mawala ang account ko, dahil sa pansariling interes. ‘Wag naman sana nilang ipahalata na guilty sila.”


Sa kabila ng lahat, patuloy si Xian Gaza sa kanyang paglalantad ng mga isyung sa tingin niya ay dapat pag-usapan. Marami man ang pumupuna sa kanyang estilo at mga pahayag, hindi maikakaila na patuloy siyang sinusubaybayan ng publiko—lalo na kapag may bagong kontrobersya siyang ibinubulgar.




Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo