Ibinunyag ng karerang si Daniel Miranda ang isang katangian ng kanyang partner na si Sofia Andres na madalas umanong maging dahilan ng kanilang mga tampuhan—ang pagiging selosa ng aktres.
Naging panauhin sina Daniel at Sofia sa ikatlong season ng online talk show ni Melai Cantiveros na “Kuan On One,” na mapapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel. Sa naturang episode, tinalakay nila ang kanilang love story, ang mga hamon sa relasyon, at ang naging karanasan ni Sofia bilang ina noong siya’y nagdadalang-tao pa kay Zoe, ang kanilang anak.
Ang episode ay masayang tinanggap ng mga manonood dahil sa pagiging kwela at relatable ng usapan. Bisaya ang naging daloy ng kanilang pag-uusap kaya mas natural at mas personal ang dating nito. Gayunman, sinamahan ito ng English subtitles upang maintindihan din ng mga hindi Bisaya. Sa loob lamang ng ilang oras mula nang i-upload ang episode, pumalo na ito sa mahigit 190,000 na views — patunay sa lakas ng tambalan nina Sofia at Daniel sa online world.
Isa sa mga inamin ni Daniel ay ang pagiging medyo selosa ni Sofia, na nagdudulot umano minsan ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan nila. Ayon pa sa kanya, kapag nagsimulang magtampo si Sofia ay kadalasan ay pinipili na lang niyang huwag na itong patulan upang hindi na humaba pa ang diskusyon.
“May mga pagkakataon talaga na nagtatampo siya kahit sa maliliit na bagay. Pero minsan, hindi ko na lang pinapansin. Hayaan mo lang, lilipas din ‘yan,” pagbabahagi ni Daniel habang nakangiti.
Samantala, game ring umamin si Sofia sa kanyang naging gawi tuwing nagagalit siya kay Daniel.“Ako kapag tumaas ang temper ko, I block him, unfollow him and then you know I think (tawang-tawa kaya hindi na naituloy),” nakatawang kwento ni Sofia.
Hindi napigilan ni Melai ang mapatawa sa pag-amin ni Sofia. Ani Melai sa Bisaya, “’Yan pala ‘yung nangyari (nabalitang hiwalay). Ha-hahaha! Alam mo naman ang mga netizens, ‘hala in-unfollow na ni Kuan!’ Mga baliw!”
Bagamat may mga tampuhan, inilahad din ng dalawa kung paanong napagtatagumpayan nila ang mga pagsubok sa kanilang relasyon, lalo na noong dumating ang panahong kailangan nilang mag-adjust bilang mga bagong magulang. Hindi raw naging madali ang transition, pero dahil sa suporta nila sa isa’t isa at pagmamahal nila sa anak nilang si Zoe, ay mas pinili nilang maging matatag at bukas sa isa’t isa.
Ayon pa kay Sofia, malaking tulong na napag-uusapan nila ang kanilang mga problema, kahit na minsan ay may inisan at tampuhan pa rin. Sa huli, mahalaga raw ang komunikasyon, pag-unawa, at pasensya sa isang relasyon, lalo na’t lumalalim na ito sa pagdaan ng panahon.
Sa ngayon, masaya at buo ang pamilya nina Sofia at Daniel. Sa kabila ng mga selosan at tampuhan, mas nangingibabaw pa rin ang kanilang respeto at pagmamahal sa isa’t isa bilang magkasintahan at mga magulang ni Zoe.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!