Umalingawngaw sa social media ang espekulasyon ng ilang netizens ukol sa umano’y pag-alis nina MC Muah at Lassy Marquez bilang mga co-host ni Vice Ganda sa sikat na noontime show na ‘It’s Showtime.’
Nag-ugat ang mga haka-haka matapos mapansin ng ilang manonood at tagahanga ang biglaang pagkawala ng dalawa sa programa. Marami ang nagtatanong kung pansamantala lamang ba ang pagkawala nila o tuluyan na silang namaalam sa kanilang regular na paglabas sa show.
Ayon sa mga tsismosa’t tsismoso online, posibleng may kaugnayan ang isyu sa isang viral vlog ni Vice Ganda kung saan kasama ang Beks Battalion sa kanilang bakasyon sa Coron, Palawan. Sa naturang vlog, kapansin-pansin ang tensyon sa pagitan nina Vice at MC. Makikita rito ang pagsita ni Vice kay MC hinggil sa kanyang asal o kilos na tila hindi nagustuhan ng Unkabogable Star. Marami ang naka-relate sa eksenang iyon, ngunit marami rin ang naalarma sa tila pagkakahiyaan sa publiko na nagdulot diumano ng tampuhan.
Dahil sa pangyayaring iyon, umusbong ang mga espekulasyong naapektuhan ang kanilang samahan, lalo na’t matagal nang magkakaibigan at magkakasama sa trabaho ang tatlo—sina Vice, MC, at Lassy—lalo na bilang mga miyembro ng Beks Battalion. Hindi naman bago na maging sandigan ni MC si Lassy sa tuwing may pinagdadaanan ito, kaya naman maraming netizens ang nagtataka kung bakit tila sabay na nawala ang dalawa sa “It’s Showtime.”
Bagaman may mga balita na umano’y nagkaayos na ang magkakaibigan, hindi pa rin matahimik ang usap-usapan. Patuloy na binabanatan ng ilang online users ang sitwasyon at binibigyang-kulay ang katahimikan nina MC at Lassy, lalo na tuwing may mga netizens na bumabatikos kay Vice Ganda sa social media. Para sa ilan, tila napaka-unusual na hindi man lang sumasagot o nagtatanggol ang dalawa sa kanilang kaibigang si Meme sa kabila ng mga bashers na kumakalaban sa kanya.
Lalong naging mainit ang tsismis nang mapansin ng marami na matagal-tagal na ring hindi na napapanood si MC sa comedy bar ni Vice Ganda, na dati-rati ay regular din niyang tinatambayan at pinagtatrabahuhan. Para sa ibang tagasubaybay, ito ay malinaw na indikasyon ng hindi pagkakaunawaan o may ‘lamig’ sa relasyon ng mga dating matatalik na magkakaibigan.
Sa kabila ng lahat ng espekulasyon, wala pa ring opisyal na pahayag mula sa kampo nina MC, Lassy, o Vice ukol sa tunay na estado ng kanilang samahan. Ayon sa ilang insider, posibleng simpleng personal na bakasyon lamang ang dahilan ng pagkawala ng dalawa sa show at walang anumang isyu sa pagitan nila. May ilang nagsabing naka-leave lamang sina MC at Lassy upang magpahinga at mag-focus sa ibang bagay.
Gayunpaman, hindi pa rin matigil ang mga intriga. Tila ba sa mundo ng showbiz, mas mabilis pang kumalat ang tsismis kaysa sa katotohanan. At habang wala pang malinaw na pahayag, patuloy ang panghuhula ng publiko.
Hanggang sa may magsalita mula sa mismong mga sangkot, mananatiling palaisipan sa marami kung may tensyon nga ba sa likod ng kamera o isa lamang itong panibagong round ng maling akala at over-analysis ng mga marites online.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!