Isang video na nag-viral sa social media kamakailan ang tumalakay sa sitwasyon ng isang matandang babae na si Lola Verginia, matapos siyang makatanggap ng mga pagkaing expired kabilang na ang isang pack ng Ovaltine, mula umano sa isang kapitbahay. Marami ang naantig sa istorya ng matanda, at dahil dito, agad ring umaksyon ang kumpanya sa likod ng kilalang brand ng instant chocolate-milk drink.
Sa nasabing video, makikitang hawak-hawak ni Lola Verginia ang isang pack ng Ovaltine habang litong-lito at tila inosenteng inosente sa kaloob na natanggap. Ayon sa uploader ng video, si Lola Verginia ay hindi nakakapagsalita, hindi rin nakakarinig at nakakabasa, kaya’t wala siyang kakayahang malaman na expired na pala ang pagkaing ipinagkakaloob sa kanya.
“Hindi po nakakapagsalita, nakakabasa and nakakarinig po ang lola ko Kaya hindi nga din po alam,” saad ng uploader sa caption ng video.
Ibinunyag din sa naturang post na ang mga expired na pagkain ay ibinibigay umano kay Lola kapalit ng kanyang pagtatrabaho bilang tagalaba.
“Kitang kita ko kung paano niyo bigyan ng puro expired na pagkain ang lola ko, pinaglalaba niyo maghapon kapalit ng expired na pagkain na tuwang tuwa naman siya kasi hindi niya alam,” dagdag pa ng uploader na halatang puno ng hinanakit.
Umani ng matinding simpatya at galit mula sa netizens ang video. Marami ang nanawagan ng tulong para kay Lola Verginia at kinondena ang umano’y kapabayaan ng taong nagbigay ng mga expired na produkto sa isang matanda. Ang iba naman ay nagbahagi ng sariling kwento kung paano rin nakakatanggap ng tulong ang kanilang mga lola o lolo mula sa mabubuting kapitbahay, at sana raw ay hindi ganitong klase ng "tulong" ang ibinibigay.
Sa kabila ng malungkot na simula ng kwento, nagkaroon ng positibong twist matapos magpadala ng pahayag ang kompanyang gumagawa ng Ovaltine. Lubos nilang ikinalungkot ang nangyari kay Lola Verginia, at bilang tugon, personal nilang dinalaw ang matanda at nagbigay ng isang taong suplay ng Ovaltine at iba pang regalo.
Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng kumpanya:
“It really broke our hearts to see Lola Verginia’s previous encounter with an expired product. Kaya naman, super happy kaming personally naghatid ng Ovaltine gift packs to bring a smile to her face. Seeing her happy is genuinely the best feeling ever!”
Ang hakbang na ito ng kumpanya ay pinuri ng mga netizens bilang isang magandang halimbawa ng corporate responsibility. Marami ang natuwa na sa gitna ng negatibong karanasan, may positibong resulta pa ring lumitaw. Ayon pa sa iba, sana’y magsilbing aral ang pangyayaring ito sa mga taong ginagamit ang kahinaan ng iba, at sana'y mas maging mapagmatyag ang mga komunidad sa pagprotekta sa mga nakatatanda.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagpapadala ng tulong kay Lola Verginia mula sa iba't ibang indibidwal at organisasyon na naantig sa kanyang kwento. Isa rin itong paalala kung paanong ang kapangyarihan ng social media ay maaaring magbunga ng aksyon, malasakit, at pagbabago, lalo na para sa mga nangangailangan ng boses.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!