Mainit na usapin ngayon sa social media ang muling pag-usbong ng isyu sa pagitan ng social media personality na si Jam Magno at ang isang kilalang negosyante matapos ang ilang buwang pananahimik ng huli. Umano’y may matagal nang hindi binayarang utang si Magno sa CEO ng Sy Glow na si Lou Neria Putian, at ngayo’y hindi na ito pinalagpas ng negosyante.
Ayon sa mga ulat, simula pa noong nakaraang taon ay inaakusahan na si Magno ng hindi pagbabayad sa halagang tinatayang aabot sa ₱200,000 na cash at ₱240,000 na halaga ng mga produkto mula sa nasabing kompanya. Sa kabila ng laki ng halaga, nanatiling tikom ang bibig ni Putian sa loob ng ilang buwan, kahit na maraming beses nang nabanggit ang isyu online.
Ngunit nagbago ang lahat nang maglabas ng mga pahayag si Magno na tila nagsusumidhing sagot sa mga paratang laban sa kanya. Sa isang video na kumalat sa social media, mariin niyang itinanggi ang akusasyon at sinabing walang sapat na patunay na siya’y may utang.
“Kalma, hindi ako traydor. Kayo ‘yon,” ani ni Magno. Dagdag pa niya, “Kayo raw ang mayaman pero ang ingay ninyo para sa 240k. Patunayan ninyong inutang ko ‘yan at ibibigay ko sa inyo nang pa-lima-limang sentimo. Tignan natin.”
Hindi man tuwirang binanggit ang pangalan ni Magno, nagsimulang maglabas ng sunud-sunod na posts si Putian sa kanyang social media account, na malinaw na tugon sa mga patutsada ng influencer. Sa isa sa kanyang mga post, sinabi niyang, “Sino ang mas mayabang? Ang taong nagsisikap o ang taong panay ang solicit? Hindi ba kayo nahihiya manlait ng itsura? Ang ganda-ganda ko’t sexy, tapos lalaitin niyo lang ako na parang t*e”
Dagdag pa ng CEO, “Hoy, sumikat ang brand ko nang wala ka! Palagi kaming sold-out nang hindi ko ginamit ang pangalan mo! Ang kapal ng mukha mo! Kumita ka ng kalahating milyon sakin tapos tatawagin mo lang akong hayop? Tapos luha at sama ng loob lang igaganti mo?! Makarma ka sana.”
Ayon pa sa kanya, matagal siyang nagtimpi, ngunit hindi na niya kayang palampasin ang pagmamaliit umano sa kanyang pagkatao at negosyo.
Binanggit din ng negosyante ang tungkol sa ilang tao na umano'y sanay umasa sa tulong mula sa mga kilalang personalidad—mga taong marunong lamang makisama kapag may kailangan at mabilis mawala kapag tapos na ang pakinabang.
Bagama’t walang direktang legal na aksyon pang inihahayag, tila nagsisimula nang umigting ang tensyon sa pagitan ng dalawa, lalo na’t parehong may malawak na tagasubaybay sa social media. Habang umaasa ang ilan na maresolba ito sa pribadong paraan, marami rin ang nakatutok kung hahantong ba sa korte ang sigalot na ito.
Sa ngayon, tikom pa rin ang bibig ni Magno sa panibagong bugso ng mga post ni Putian. Ngunit kung pagbabasehan ang mga pangyayari, tila hindi pa tapos ang alitan sa pagitan ng influencer at ng negosyante, at malamang na lalong lumalim ito sa mga susunod na araw.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!