Hindi pinalampas ng aktor na si Jake Ejercito ang isang kontrobersiyal na insidente kung saan isinama ng isang content creator sa kaniyang video ang anak nila ni Andi Eigenmann na si Ellie Ejercito, nang walang pahintulot mula sa bata o sa kanilang mga magulang.
Bagamat tinanggal na ng nasabing social media influencer na si Crist Briand ang naturang video mula sa kaniyang social media platforms, iginiit ni Jake na hindi sapat ang pagbura lamang ng content. Malinaw umanong nilabag nito ang karapatan ng kanyang anak sa pagiging pribado, lalo’t isa pa lamang itong menor de edad.
Ayon kay Jake sa kaniyang post sa social media, hindi pumayag si Ellie na maging bahagi ng video, at wala rin itong kaalam-alam na ilalabas ito sa publiko.
Ani niya, "This 'influencer' filmed Ellie without her consent. She did not want to be in his video—let alone be posted by him."
Dagdag pa ng aktor, ang ganitong uri ng “clout-chasing” o pagsakay sa kasikatan ng ibang tao para makakuha ng views ay hindi kailanman dapat isinasagawa kapalit ng paglabag sa privacy ng isang indibidwal, lalo na kung bata ang sangkot.
“Hindi dapat isinasakripisyo ang privacy ng sinuman, lalong-lalo na ng isang menor de edad, para lamang sa pansariling kasikatan,” mariing pahayag niya.
Dahil dito, nanawagan si Jake sa publiko na i-report ang naturang video reel, pati na rin ang mismong page ng content creator upang hindi na ito maulit sa iba. Malinaw umano ang kapabayaan at kawalan ng responsibilidad ng vlogger na umano’y basta na lamang kumuha ng footage kay Ellie nang hindi man lang humihingi ng pahintulot.
Sa isa pang Facebook update, ibinahagi ni Jake na nagsisimula na siyang kumonsulta sa mga eksperto upang pag-aralan ang mga posibleng legal na hakbang na maaaring isampa laban sa content creator.
"Crist Briand has deleted the video. Please continue reporting the page of this irresponsible clout chaser who ambushed a 13-year-old girl for views. I’m now in the process of exploring legal options," aniya.
Binanggit din ni Jake na kahit tinanggal na ni Crist Briand ang video, patuloy pa rin umano dapat itong i-report ng publiko dahil sa malinaw na paglabag nito sa karapatan ng bata.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na tugon o pahayag mula kay Crist Briand, ang content creator na tinukoy ni Jake. Bukas ang pahayagang Balita sa panig ng influencer kung sakaling nais nitong linawin ang kaniyang panig sa isyu.
Ang insidenteng ito ay muling nagbukas ng diskusyon sa social media tungkol sa tamang paggamit ng content at ang mga limitasyon ng mga content creator pagdating sa privacy, lalo na ng mga menor de edad. Pinapaalalahanan ng marami ang mga influencer na hindi sapat na maging viral o trending lamang; dapat laging isaalang-alang ang kapakanan at pahintulot ng mga taong kanilang isinasama sa mga online content.
Ang pagkilos ni Jake ay sinusuportahan ng maraming netizens na naniniwalang nararapat lamang na ipaglaban ang karapatan ni Ellie. Hindi anila dapat maging normal o tanggap sa lipunan ang paggamit sa mga bata sa content nang walang sapat na pahintulot, lalo na kung ito’y nakaaapekto sa kanilang seguridad at dignidad.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!