Ipinapakita ni Jake Cuenca kung gaano siya kaseryoso at dedikado sa kanyang propesyon bilang aktor, kaya’t handa siyang gawin ang lahat para maibigay ang nararapat na pagganap sa bawat karakter na kanyang ginagampanan.
Kamakailan lamang, nagbahagi si Jake ng isang video sa kanyang Instagram na ikinatuwa ng maraming netizen. Sa nasabing video reel, makikitang masiglang sumasayaw si Jake sa jingle ng kanyang karakter bilang si Miguelito Guerrero, isang kandidatong tumatakbo bilang alkalde sa teleseryeng “FPJ’s Batang Quiapo”.
Sa caption ng kanyang post, pabirong sinabi ni Jake, “Miguelito Guerrero apologist,” na tila ba ipinapahayag ang kanyang pagka-kampante sa papel niyang ginagampanan.
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang nasabing video. Marami ang natuwa at napatawa sa sayaw ni Jake, habang may ilan din na nagbiro pa tungkol sa ginampanan niyang karakter at mga nangyari sa kwento. Isa sa mga komento ang nagsabi, “‘Wag mo kaming dinadaan sa sayaw! Hindi pa rin namin nakakalimutan ang ginawa mo kay David (McCoy de Leon)!”—isang patunay na epektibo ang kanyang pagganap bilang kontrabida.
Samantala, napansin din ng ibang mga tagasubaybay ang malaking pagbabago sa pisikal na anyo ng aktor. Isa sa mga netizen ang nagtanong tungkol sa tila pagkapayat ni Jake at nagkomento, “Anyare sa facial expression mo, Jake? Ang payat mo na!”
Hindi naman nag-atubiling sagutin ito ni Jake at ipinaliwanag ang dahilan sa likod ng kanyang pagbawas sa timbang. Ayon sa kanya, “I lost 25 pounds for my other series WBL (What Lies Beneath). I’m playing convict, taping both shows simultaneously.”
Ipinapakita lamang nito kung gaano ka-profesyonal si Jake Cuenca sa kanyang trabaho bilang artista. Kaya niyang magsakripisyo, kahit na ang kanyang pangangatawan, para lang mabigyang hustisya ang bawat papel na kanyang ginagampanan. Ang pagbawas ng 25 pounds ay hindi biro, at nangangailangan ito ng matinding disiplina, lalo na kung sabay niyang ginagawa ang dalawang seryeng magkaibang-magkaiba ang tema.
Sa kabila ng lahat ng ito, mas marami pa ring humahanga kay Jake dahil sa kanyang kahusayan sa pagganap bilang kontrabida sa “FPJ’s Batang Quiapo”. Maraming tagapanood ang nagsasabing epektibo siya sa kanyang role bilang Miguelito Guerrero, kaya’t nadadala talaga ang emosyon ng mga manonood sa bawat eksena niya.
Ang kanyang kakayahang magpalit-palit ng anyo at emosyon sa bawat proyekto ay patunay ng kanyang husay sa pag-arte. Hindi lang basta pagpapapayat o pagpapapogi ang ginagawa niya—isang buong commitment ang ibinubuhos niya sa kanyang sining.
Sa ngayon, patuloy pa ring umaani ng atensyon ang mga proyekto ni Jake, at marami ang sabik kung ano pa ang susunod niyang gagawin sa mga palabas na kasalukuyan niyang kinabibilangan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!