Usap-usapan ngayon sa social media ang naging karanasan ng isang tagahanga na nanood ng konsiyerto ng P-Pop girl group na BINI sa Bill Graham Civic Auditorium sa San Francisco, California. Sa isang post na ngayon ay kumalat na sa Reddit, ikinuwento ng user na si Glum_Reference_2753 ang kanyang pagkadismaya matapos umano’y makaranas ng mababang kalidad ng produksyon at problema sa audio sa nasabing konsiyerto.
Ayon sa tagahanga, nagbayad siya ng mahigit $100 o katumbas ng higit P5,000 para sa tiket sa event, ngunit sa halip na saya, pagkabigo raw ang kanyang naranasan. Inilarawan pa niya ang production bilang “sobrang simple at walang effort.”
“Sobrang pangit ng production. Parang nasa Gerry’s Grill lang kami listening to a random live band. Walang ka-effort-effort, nakakaloka!" saad ng fan sa kanyang viral na post.
Isa pa sa matinding reklamo ng concertgoer ay ang malinaw na problema sa tunog mula pa sa simula ng palabas.
“From the start pa lang, ang labo na ng tunog, I was honestly so confused? Sobrang disappointing. And it’s not just me, pati kapatid ko and a friend who also went felt the same. They sound way better on Spotify, kahit yung live nila sa Chinese TV was way better,” dagdag niya.
Hindi rin nakaligtas sa kanyang obserbasyon ang mismong performance ng grupo. Ayon sa kanya, may ilang miyembro ng BINI na hindi nakasabay sa tono ng kanta at nawawala sa harmony kapag kumakanta nang sabay-sabay.
“Kagabi, ang daming moments na out of tune sila, and when they sang together, ang sabog pakinggan both because of the poor and low quality na sound system and dahil kulang talaga sila for some reason sa synchronization kagabi. Di sila nagbeblend, parang kanya-kanyang boses and iba-iba yung modulation ng boses nila,” aniya.
Ipinahayag din ng fan ang kanyang pangamba na baka hindi sapat ang naging rehearsal para sa show.
“Not sure if dahil lang sa mic o talagang they need more practice.”
Hindi rin naiwasan ng tagahanga na ikumpara ang performance ng BINI sa iba nilang naging live shows. “Mas maganda pa nga ang tunog nila nung nag-perform sila sa Chinese TV. Even sa Spotify, mas malinaw pa at mas maganda ang blend nila. Nakakapanlumo talaga.”
Bagama’t may ilang fans na patuloy pa ring ipinagtatanggol ang grupo, marami ring netizens ang nagpahayag ng suporta sa Reddit user at sinabing mahalaga ring marinig ang mga konstruktibong puna para sa ikabubuti ng grupo. May mga nagsabing dapat itong magsilbing wake-up call sa management ng BINI upang pagtuunan ng pansin ang kalidad ng kanilang live performances lalo na’t nagsisimula na silang sumabak sa international stage.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag mula sa panig ng BINI o ng kanilang management ukol sa isyung ito. Gayunpaman, umaasa ang ilang fans na mapapansin ang feedback at gagawin ang nararapat upang mapabuti ang mga susunod na shows.
Sa huli, nananatiling mahalagang bahagi ng artistang tulad ng BINI ang pagtanggap sa kritisismo — upang mapanatili ang tiwala ng kanilang tagahanga at lalo pang mapaangat ang kalidad ng kanilang sining sa entablado.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!