Unti-unti nang iniiwan ni Baron Geisler ang madilim na bahagi ng kanyang buhay. Sa isang press conference para sa finale ng Incognito: Final Mission na ginanap noong Hunyo 25 sa Quezon City, ibinahagi ng beteranong aktor ang kanyang labis na kasiyahan sa bagong kabanata ng kanyang karera—at ng kanyang personal na buhay. Sa nasabing serye, ginagampanan niya ang papel ni Miguel Tecson, isang ahente na kasalukuyang dumadaan sa proseso ng pagbangon mula sa pagkaadik sa alak.
Para kay Baron, ang karakter ni Miguel ay isang makabuluhang role na malayo sa mga gampaning kilala sa kanya noon. “Ngayon lang ako nabigyan ng pagkakataong gumanap bilang isang mabuting tao,” ani Baron. Karaniwan siyang nakikilala sa mga karakter na may pagkakontrabida o may komplikadong personalidad. Kaya naman, ibang klaseng hamon para sa kanya ang pagganap bilang isang tagapagligtas at positibong karakter.
“Unang beses kong naging ‘good guy’ sa screen. Hindi biro, kasi sanay akong maging intense, yung tipong laging may pinagdadaanan o may kinikimkim na galit. Pero dito, iba ang atake. Mas tahimik pero malalim,” pagbabahagi pa niya.
Hindi rin maikakaila ang personal na koneksyon ni Baron sa karakter na kanyang ginampanan. Aminado siyang tulad ni Miguel, isa rin siyang recovering alcoholic. Dahil dito, mas naging malapit sa kanyang puso ang papel. “Miguel hits home talaga... I will cherish this for the rest of my life,” ani Baron.
Ibinida rin ng aktor na maayos at disente siyang nakatrabaho sa buong panahon ng shoot ng serye—isang bagay na dati ay hindi niya magawang sabihin.
“Una, natapos ko na hindi ako nagkalat! This is the first show na maipagmamalaki ko na hindi ako pumasok sa set na nakainom... kaya ko pala,” kwento niya. Nangangako rin siyang sisikapin niyang manatili sa ganitong estado sa mga susunod pa niyang proyekto.
Bukod sa mga pagbabagong personal, labis din ang pasasalamat ni Baron sa team ng Incognito. Sa kanyang Instagram post, pinasalamatan niya ang lahat ng bumuo ng serye, lalo na ang mga taong nakasama niya sa mga eksena sa Marawi, kung saan kinunan ang pinakahuling bahagi ng palabas. “Grateful for the hardworking team who brought passion and dedication every single day,” ayon sa caption sa kanyang post.
Ang pagbabagong ipinapakita ni Baron Geisler ngayon ay isang patunay na kahit sino ay may kakayahang magbago at magbukas ng panibagong yugto sa buhay. Mula sa pagiging isa sa mga pinaka-kontrobersyal na personalidad sa showbiz, ngayon ay isa na siyang inspirasyon ng pagbangon at disiplina—hindi lamang sa harap ng kamera, kundi sa totoong buhay.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!