Naglabas ng kani-kanilang opisyal na pahayag ang iba’t ibang samahan ng mga direktor, aktor, at manunulat bilang tugon sa panukalang batas ni Senador Robin Padilla na layong palawakin ang saklaw ng kapangyarihan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) upang masaklaw din ang mga palabas sa online streaming platforms tulad ng Netflix, YouTube, at iba pa.
Ang Senate Bill No. 2805, o kilala rin bilang "MTRCB Act," ay layuning gawing bahagi ng mandato ng MTRCB ang pagsusuri at regulasyon ng mga palabas sa digital platforms. Ngunit hindi ito malugod na tinanggap ng maraming grupo sa industriya ng pelikula at telebisyon. Isa na rito ang Directors’ Guild of the Philippines Inc. (DGPI) na tahasang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa panukala.
Ayon sa DGPI, ang panonood sa online platforms ay isang pribadong karanasan at hindi ito maituturing na pampublikong pagpapalabas, kaya hindi ito dapat saklawin ng MTRCB. Giit ng grupo, "To reiterate, the DGPI stands against the expansion of MTRCB’s jurisdiction into the online streaming space because it is largely a private viewing experience, and does not count as public exhibition, and deplores this attempt by the MTRCB to discriminate against those in the audio-visual sector that encompasses film, television, and streaming."
Dagdag pa nila, ito ay tila isang hakbang na naglalayong pigilan at bigyang-limitasyon ang kalayaan ng mga nasa sektor ng audio-visual, kabilang na ang paggawa ng pelikula, telebisyon, at streaming.
Samantala, nagpahayag rin ng pagkabahala ang League of Filipino Actors o AKTOR — isang grupo ng mga artista na pinamumunuan ng Kapuso actor na si Dingdong Dantes. Anila, mas naniniwala sila sa isang sistemang nagsusulong ng pananagutan sa loob ng industriya mismo, sa halip na kontrolin ito ng isang panlabas na ahensiya.
"We believe in a self-regulating industry, where accountability is upheld from within, and reforms are made in genuine partnership with the community," ayon sa kanilang pahayag.
Naglabas rin ng matapang na saloobin ang Filipino Screenwriters Guild (FSG), na binubuo ng mga manunulat ng pelikula at telebisyon sa bansa. Para sa kanila, sa kabila ng tila layunin ng batas na “protektahan” ang mga manonood, lalo na ang kabataan, ang tunay nitong epekto ay dagdag na kontrol at sensura.
"On the surface, this bill claims to ‘protect’ viewers. But what it really does is give the MTRCB more power to censor. More rules to strangle creativity. More control over which stories get told—and which get silenced..."
"We need systems that empower writers, not silence them. Because when writers lose their voice, stories disappear. And when stories disappear, culture dies," anila.
Sa kabila ng matitinding kritisismo, ipinagtanggol naman ni Sen. Robin Padilla ang kanyang panukala. Ayon sa kanya, ang pangunahing layunin nito ay hindi upang hadlangan ang malayang paglikha, kundi upang tiyakin na protektado ang mga kabataang manonood mula sa mga content na maaaring makasama sa kanilang isipan at asal.
Aniya, "Hindi po ito laban sa sining. Hindi ito laban sa mga direktor. Sa katunayan, ito po ay panukala na isinulong dahil gusto natin protektahan ang pamilya, ang kabataan, at ang ating kultura. Huwag po nating ihiwalay ang sining sa lipunang kinabibilangan nito."
Samantala, naglabas din ng opisyal na pahayag ang MTRCB. Sa kanilang panig, sinabi nilang handa silang tumalima sa kung anuman ang magiging desisyon ng Kongreso at ng Pangulo hinggil sa panukalang batas. Ayon sa ahensya, hindi sila lalampas sa kanilang itinatakdang papel at susunod sila sa itinatadhana ng batas.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang diskusyon sa publiko at sa loob ng mga sektor ng industriya ng sining at media. Marami ang nananawagan ng mas malawak na konsultasyon upang masiguro na ang anumang hakbang ng pamahalaan ay hindi magiging balakid sa malayang pagpapahayag at malikhaing paggawa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!