Ibinahagi ng aktres na si Yen Santos ang isang personal na bahagi ng kaniyang buhay sa pamamagitan ng isang Instagram post nitong Biyernes, Mayo 16. Sa nasabing post, ikinuwento niya ang kanyang karanasan tungkol sa pagbabago ng kanyang timbang at ang naging epekto nito sa kanyang kumpiyansa sa sarili.
Ayon kay Yen, dumaan siya sa isang yugto ng kanyang buhay noong nakaraang taon kung saan labis siyang tumaba. Inamin niyang nahirapan siyang tanggapin ang kanyang itsura sa salamin at halos hindi niya na raw makilala ang sarili dahil sa sobrang pagdagdag ng timbang.
"Last year, I gained so much weight that I barely recognized myself. It was the heaviest I’d ever been and honestly, I couldn’t even look at myself in the mirror. I just didn’t like what I saw. Nothing fit anymore! and the frustration started to weigh heavier than the actual weight," ani Yen sa kanyang post.
Sinubukan na raw niyang mag-diyeta at mag-ehersisyo, pero tila hindi ito naging epektibo para sa kanya. Dahil dito, nagpasya siyang humingi ng tulong mula sa mga eksperto. Matapos kumonsulta sa mga doktor at sumunod sa kanilang mga rekomendasyon, unti-unti niyang naabot ang kanyang fitness goals.
Ibinahagi rin niya na sa unang linggo pa lang ng bagong proseso ay agad siyang nabawasan ng tatlong kilo. At mula noon ay mas lalo raw siyang nakaramdam ng kagaanan, hindi lamang sa katawan kundi pati na rin sa damdamin. Mula 72 kilos ay bumaba siya sa 51 kilos sa loob lamang ng dalawang buwan.
"Grabe! first week pa lang, I lost 3 kgs agad! Since then, I’ve just been feeling better and better. From 72 kilos to 51 kgs in 2 months, and more importantly, I’ve found the confidence I lost along the way," dagdag pa niya.
Samantala, naging sentro rin ng usapan sa social media si Yen matapos kumalat ang isang larawan na ibinahagi ng kapwa aktres na si Kira Balinger. Doon ay napansin ng ilang netizen na tila may pagbabago sa katawan ni Yen, at may ilan pang nagbiro o nag-isip na baka buntis daw ito. Ngunit hindi na nagkomento si Yen ukol sa mga espekulasyong ito.
Noong Mayo 10 naman, muling nakita si Yen sa isang larawan kung saan makikita siyang nasa harap ng isang monitor sa isang set, na tila ba senyales na bumalik na siya sa kanyang trabaho bilang aktres. Ang naturang larawan ay nagbigay-sigla sa kanyang mga tagahanga, na matagal ding naghintay sa kanyang pagbabalik sa telebisyon o pelikula.
Ang paglalakbay ni Yen sa pagbabawas ng timbang ay isa lamang patunay na hindi madali ang proseso ng self-improvement, ngunit posible ito sa tulong ng determinasyon, tamang kaalaman, at suporta mula sa mga taong maaasahan. Sa kanyang pagbabahagi, nagbibigay siya ng inspirasyon sa marami, lalo na sa mga nakakaranas din ng parehong hamon sa kanilang personal na buhay.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!