Rendon Labador Pinayuhan Si Pambansang Yobab Euleen Castro

Huwebes, Mayo 29, 2025

/ by Lovely


 

Nag-ugat ang kontrobersya sa social media matapos magbigay ng negatibong review ang kilalang content creator na si Euleen Castro, na mas kilala online sa alyas na "Pambansang Yobab," laban sa isang coffee shop sa Iloilo City. Sa isang TikTok video, ikinuwento ni Castro ang kaniyang karanasan sa naturang establisyemento na tila hindi nagustuhan ng maraming netizens, pati na rin ng mismong pamunuan ng coffee shop.


Kaagad namang naglabas ng opisyal na pahayag ang CoffeeBreak Cafe International Inc., na siyang namamahala sa nasabing kapehan. Ayon sa kanila, bukas sila sa mga makabuluhang puna o constructive criticism, subalit hindi umano katanggap-tanggap ang paggamit ni Castro ng mga salitang maanghang at lantaran umanong nakasisira sa imahe ng kanilang negosyo.


Hindi lamang ang kompanya ang nagpahayag ng pagkadismaya. Maging ang mga residente ng Iloilo City ay tila hindi nagustuhan ang approach ni Castro sa kanyang video. Maging si Mayor Jerry Treñas ng lungsod ay nagpahayag na rin ng saloobin. Ayon sa alkalde, mas mainam kung hindi na lang ipakalat ang video sa social media upang hindi na madagdagan ang negatibong epekto nito sa lokal na negosyo.


Samantala, sumali na rin sa diskusyon ang kontrobersyal na personalidad sa social media na si Rendon Labador, na kilala sa pagbibigay ng matapang na opinyon. Sa isang post niya sa Facebook noong Mayo 28, hindi napigilang batikusin ni Labador si Castro sa umano’y maling paraan ng pagpapahayag ng saloobin.


Sa kanyang mahabang post, tinuligsa ni Labador ang tila paggamit ng "no to body shaming" bilang depensa ni Castro laban sa mga bumabatikos sa kanya. Ayon kay Labador, hindi raw dapat gamitin ang nasabing advocacy bilang kalasag mula sa pagpuna sa mga hindi magandang asal.


"PAALALA PO: Hindi ginawa yung 'NO TO BODY SHAMING' para maka ligtas po kayo sa mga katangahan ninyo, i-ayon sana natin palagi yung ugali natin sa mga itsura natin," ani Labador. 


Giit pa niya, may mga pagkakataong hindi maiiwasan na masilip ang panlabas na anyo ng isang tao, lalo na kung ito ay ginagamit sa social media para pumuna ng iba. Idinagdag pa niyang bago raw pakinggan ng publiko ang isang opinyon, natural lamang na tignan muna ang pagkatao ng nagsasalita—hindi lang pisikal kundi pati na rin ang ugali.


“Titignan muna ang itsura mo bago pakinggan ang mga sasabihin mo”


"NO TO BODY SHAMING dapat talaga. Kaso ang sampal ng katotohanan dito sa Pinas, bago ka pakinggan ay titignan muna itsura mo. Kaya na bash kasi bago sa socmed yung baboy na nag rereklamo."


Binatikos din niya ang tila “pagiging insensitive” ni Castro sa mga negosyante. Ayon sa kanya, napakahirap itayo at panatilihin ang isang negosyo lalo na sa panahon ngayon, kaya hindi raw patas na basta na lamang itong siraan sa social media. Aniya, may karapatan mang magsabi ng opinyon ang kahit sino, pero dapat itong gawin sa paraang hindi nakasisira sa kabuhayan ng iba.


"Kumbaga dapat i-ayon sana yung ugali sa itsura‍ Masisi mo ba yung mga taong nagalit. Kawawa din kasi yung negosyante na may ari ng Coffee Shop, biro mo ang hirap mag tayo at mag survive ng negosyo tapos biglang sisiraan ka lang."


Dagdag pa niya, "Okay lang mag negative feedback, pero sana yung feedback na hindi naman up to the point na masisira na image nung business."



Tinukoy din niya na ang coffee shop ay hindi lamang basta negosyo kundi tahanan ng mga empleyadong umaasa dito para sa kanilang ikinabubuhay.


"Yung babae kasi laman lang ng tiyan ang problema niya, yung negosyante madaming responsibilidad sa negosyo at mga empleyado niyang umaasa sa negosyo niya."


Sa huli, binigyang-diin ni Labador na walang anumang adbokasiyang dapat gamiting sanggalang para takasan ang pananagutan sa mga hindi magandang asal. 


"NO TO BODY SHAMING pero kung ganyan kasi ugali, hindi worth it ipag laban. Mag gym ka nalang, pakainin kita ng dumbells."


"HUWAG NINYO GAMITING pang laban yung salitang 'NO TO BODY SHAMING' sa mga taong HAYOP ang ugali, Hindi po yan ginawa para maligtas kayo sa katangahan ninyo," aniya pa.


Sa kasalukuyan, nananatiling tahimik ang kampo ni Euleen Castro hinggil sa mga komentong ipinupukol sa kanya. Bukas pa rin ang publiko sa posibilidad na magbigay siya ng pahayag upang ipaliwanag ang kanyang panig sa isyu.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo