Ivana Alawi Sa Paparating Na Eleksyon: Huwag Tayong Boboto Dahil Sikat

Miyerkules, Mayo 7, 2025

/ by Lovely


 

Muling nagpahayag ng kanyang paninindigan ang Kapamilya actress at kilalang content creator na si Ivana Alawi ukol sa kahalagahan ng tamang pagboto, lalo na sa nalalapit na midterm elections na gaganapin sa darating na Lunes, Mayo 12. Sa pamamagitan ng kanyang pinakabagong vlog, hindi lamang siya namigay ng tulong-pinansyal sa mga maliliit na negosyante sa palengke, kundi naging daan din ito para maipahayag niya ang kanyang mga saloobin at realizations hinggil sa tunay na sitwasyon ng maraming Pilipino.


Sa nasabing video, ipinakita ni Ivana ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga tindera at tindero sa palengke. Namangha siya sa kabutihang loob ng ilan sa kabila ng hirap ng kanilang kalagayan. Gamit ang kanyang sariling pera, pinili ni Ivana na gantimpalaan ang mga taong nagpapakita ng malasakit at kabutihan sa kapwa kahit pa sila mismo ay hirap sa buhay.


Habang isinasagawa ang pamimigay ng tulong, naging malinaw para kay Ivana ang bigat ng pasanin ng mga maliliit na mamamayan.


“Ang dami kong realizations after ng vlog na to na napakamahal ng mga bilihin na talaga. ‘Yung mga manok, isda, baboy, ang tataas na ng mga presyo. Kahit sa mga palengke, minsan wala na silang mabenta [dahil wala nang bumibili],” ani ni Ivana.


Ibinahagi rin niya ang kanyang pag-aalala para sa mga mangingisda at maliliit na negosyante, na aniya’y matagal nang dumaranas ng kahirapan. Ayon kay Ivana, hindi na niya mapigilang masaktan sa tuwing makikita niyang halos wala nang kinikita ang mga ito, at ang ilan ay halos hindi na makabenta ng maayos.


“Lahat talaga hirap na hirap. Kita naman natin ang struggle ng ating mga mangingisda. Kita rin natin ang struggle ng ating mga vendors sa palengke,” dagdag pa ng aktres.


Dahil dito, muling ipinaalala ni Ivana sa kanyang mga tagapanood ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa darating na halalan. Aniya, ang pagboto ay hindi basta-basta lamang; ito ay may kaakibat na responsibilidad. Dapat umanong maging matalino ang bawat Pilipino sa pagpili ng mga lider na tunay na may malasakit at may konkretong plano para sa ikabubuti ng nakararami.


“Ngayong halalan, sana lahat tayo ay bumoto ng may isip at may puso. Piliin natin ‘yung may integridad at tunay na naglilingkod. Huwag tayong magpapadala sa sikat o sa mga pangako lang. Tignan natin kung sino ba talaga ang may kakayahang tumulong sa mga kagaya ng mga nakilala ko sa vlog na ito,” pahayag pa niya.


Bukod sa kanyang payo ukol sa pagboto, pinasalamatan din ni Ivana ang lahat ng kanyang mga tagasubaybay na patuloy na nagbibigay ng suporta hindi lamang sa kanyang mga proyekto kundi pati sa kanyang mga adbokasiya. Naging inspirasyon daw sa kanya ang mga ngiti at pasasalamat ng mga taong natulungan niya sa simpleng vlog na iyon.


Sa huli, nanawagan si Ivana sa lahat na huwag balewalain ang kanilang karapatang bumoto. Ayon sa kanya, ito ang isa sa mga pinakamakapangyarihang paraan upang makibahagi sa pagbabago at pag-unlad ng bayan.


“Ito ang panahon para tayo naman ang pumili ng tama. Kung gusto nating gumaan ang buhay, magsimula tayo sa pagboto nang tama,” pagtatapos ni Ivana.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo