Sa isang episode ng "It’s Showtime" na ipinalabas noong Sabado, Oktubre 4, naging usap-usapan ang naging panayam ni Vice Ganda sa isang teacher-contestant matapos nitong mabanggit sa ere ang isang salitang hindi angkop para sa pambansang telebisyon.
Ang naturang segment ay bahagi ng “Laro Laro Pick,” kung saan tampok ang mga guro bilang contestants bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day. Sa kalagitnaan ng masayang palaro, nakaabot sa final round ang isang guro na habang kinakausap ni Vice ay naibahagi ang kaniyang karanasan sa pagpasok sa paaralan tuwing bumabaha.
Ikinuwento ng guro na dahil sa lalim ng baha sa kanilang lugar, napipilitan siyang magsuot ng napakaikling shorts. Ngunit ang terminong ginamit niya upang ilarawan ito ay hindi inaasahang marinig ng mga manonood.
“Malalim din po ang baha doon, to the extent na pumapasok ako, nakapekpek shorts,” diretsahang pahayag ng guro habang live sa TV.
Mabilis naman ang naging tugon ni Vice Ganda. Agad niyang sinaway ang guro at pinutol ang usapan.
“Ay, Ma’am sorry po, hindi po natin puwedeng banggitin ‘yon, sorry po!” ani ni Vice, na agad ding sinundan ng paghingi ng tawad ng teacher.
Napagtanto ng contestant ang hindi angkop na salita at agad siyang bumawi.
“Sorry po. Naka-maikli… yan!” paliwanag ng guro.
Bagamat natawa sa insidente, hindi pinalampas ni Vice ang pagkakataon upang itama ang sitwasyon habang nananatiling magaan ang tono. Natawa pa nga siya at sinabing:
“Sa teacher pa talaga nanggaling ‘yong term na ‘yon!”
Sumuporta rin sa paghingi ng paumanhin ang ibang hosts ng programa gaya nina Vhong Navarro at Jhong Hilario, na humingi ng dispensa sa “madlang people” at sa mga nanonood.
“Miss Lala, sorry po. Sorry sa MTRCB. Sa lahat po ng mga kumakain, sa lahat ng mga nanonood, sorry po, nabigla lang. Masyado lang po kaming naging komportable sa isa’t isa. Very sorry,” dagdag pa ni Vice.
Pinaliwanag pa ng guro na maiksi lang naman talaga ang kanyang shorts dahil sa baha, at ito’y walang masamang intensyon. Agad din itong pinagaan ni Vice sa pamamagitan ng biro:
“Maiksi lang naman talaga. Pero grabe, hindi ko inakalang sa teacher pa kami magkakaproblema!”
Ang nabanggit na “Miss Lala” ay tumutukoy kay Lala Sotto Antonio, ang kasalukuyang Chairperson ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board), ang ahensyang may tungkulin sa pagbabantay at pagbibigay ng tamang rating sa mga palabas sa telebisyon at sinehan.
Matatandaan na noong 2023 ay naharap na rin sa kontrobersiya ang It’s Showtime, na nagresulta pa sa suspensyon ng programa kaugnay ng isang insidente sa segment na “Isip Bata” kung saan naging kontrobersyal ang pagkain ng icing nina Vice Ganda at partner niyang si Ion Perez.
Ang insidenteng ito ay panibagong paalala sa mga live programs na kailangang maging mas maingat sa mga salitang nabibigkas on air, lalo na kung ito’y pambansang palabas na may malawak na audience kabilang ang mga bata.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!