Hindi na napigilan ng kilalang mang-aawit na si Asia’s Songbird Regine Velasquez ang kanyang damdamin tungkol sa lumalalang isyu ng korapsyon sa Pilipinas. Sa isang Instagram post noong Oktubre 2, 2025, diretsahang inilahad ni Regine ang kanyang pagkadismaya sa mga taong umano’y patuloy na ninanakaw ang kaban ng bayan.
Sa kanyang post, tahasan niyang tinuligsa ang mga nasa posisyon na walang kahihiyang kumukuha sa pera ng bayan. Aniya, kung hindi lang daw inaabuso at ninanakaw ang pondo ng gobyerno, kakayanin sana ng bansa ang maraming problema.
“Kung hindi ninanakaw pera natin, KAYA to eh!” saad niya bilang panimula sa kanyang mahabang hinaing.
Ayon pa sa singer, ang masaklap ay tila wala nang pakialam o hiya ang mga taong sangkot sa pagnanakaw. Kahit pa sabihan na silang magnanakaw o ipakita ng taumbayan ang galit sa kanila, tila hindi ito iniinda.
“The thing is hindi sila marunong mahiya kahit sabihan silang magnanakaw makapal ang mukha at isinusuka na natin sila waley pa rin, mag tuturo lang sila ng iba pang magnanakaw hangang maubos na lang nila yung ninakaw nila tapos nakaw uli.”
Bukod pa rito, ipinarating din ni Regine ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na pagbubuwis ng mga karaniwang Pilipino, kabilang na siya, habang ang ibang nasa kapangyarihan ay tila hindi man lang tumitigil sa pagkamkam ng pera ng bayan.
“In the meantime we continue to pay taxes na pinagpaguran natin. Ano pa pwede nila lagyan ng tax ano pa! Baka paggising natin isang araw pati hangin may tax na!”
Hindi rin naiwasan ni Regine na ibahagi ang kanyang pagkadama ng kawalan ng pag-asa sa sistema. Aniya, tila wala na raw konkretong paraan upang mapanagot ang mga tiwaling opisyal sa gobyerno.
“Ano ba gagawin natin bakit parang I feel helpless naghihintay tayo na may maparusahan na most likely wala."
Dagdag pa ng singer, kahit pa magpalit ng liderato, tila hindi pa rin nagbabago ang sistema. Isa umano itong cycle ng katiwalian na paulit-ulit at walang katapusan.
“Anong ba gagawin natin para maituwind ang baluktot na pamamalakad na ito? At kahit iba ang ilagay natin dyan I don’t think it will change!”
Sa dulo ng kanyang mensahe, inilahad ni Regine ang kanyang simpleng hiling — ang maranasan man lang ang kaunting ginhawa at katarungan habang siya’y nabubuhay pa. Sa edad niyang 55, umaasa pa rin siyang makikita ang Pilipinas na may matuwid na pamahalaan.
“I’m 55 konting panahon na lang ang ilalagi namin sa mundo sana man lang maabutan namin ang isang maluwaltahing pamumuhay para sa mga pilipino.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!