Hindi napigilan ni Marjorie Barretto ang kanyang emosyon matapos mapanood ang panayam ng kanyang inang si Inday Barretto sa talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, kung saan nabanggit umano ang ilang pahayag na mabigat at hindi totoo tungkol sa kanya.
Ayon kay Marjorie, labis siyang nasaktan dahil hindi niya inasahan na ipapalabas ang nasabing interview sa mismong unang buwan ng pagkamatay ng kanilang kapatid na si Mito Barretto. Aniya, ilang araw niyang pinilit na palampasin ang isyu, ngunit hindi na raw niya kayang manahimik.
"I tried to let this pass for days. But i am not taking this well. Im tired. Im hurt. The staments made about me were unprovoked and undeserved," pahayag ni Marjorie.
Dagdag pa niya, masakit sa kanyang marinig na parang may hindi sila pagkakasunduan ng kanyang ina, gayong maayos naman daw ang kanilang naging ugnayan noong mga araw ng burol ni Mito. Nilinaw ni Marjorie na walang masamang intensyon ang kahit alinman sa kanyang naging kilos noon, ngunit nasasaktan siya sa mga lumabas na komento na tila pinapalabas siyang masama.
Isa pa sa mga bagay na kanyang pinabulaanan ay ang isyung ginamit daw siya ng kanyang ina upang pagandahin ang imahe ng isa sa kanyang mga kapatid — na bagama’t walang binanggit na pangalan, marami ang naniwalang ang tinutukoy ay si Claudine Barretto. Ayon kay Marjorie, hindi niya alam kung bakit tila sa bawat pagkakataon ay siya ang nagmumukhang kontrabida sa mata ng publiko.
Sa kabuuan ng kanyang pahayag, mariing tinanong ni Marjorie ang motibo ng kanyang ina, kung bakit sa halip na maging maayos ang kanilang imahe bilang pamilya, ay tila lalo pang nagkakaroon ng lamat sa publiko.
Samantala, sa panayam naman ni Ogie Diaz kay Inday Barretto, na ipinalabas bilang part 2 ng nasabing interview, ibinahagi ng matriyarka ang kanyang saloobin sa matagal nang alitan sa pagitan ng kanyang mga anak na sina Gretchen, Marjorie, at Claudine.
Ayon kay Inday, dati raw ay sobrang lapit ng magkakapatid, ngunit kalaunan ay tila bigla na lamang nagkaroon ng pagkakawatak-watak.
"'Di ko alam. They used to be very close. Very close. Magkasama sila," na pumapatungkol kina Gretchen at Marjorie.
"Somewhere along the way, parang nag-break lang, naghulog lang, nawala na to the point tapos na. Pero tanungin mo sino pinag-awayan, wala. They just don't like each other, okay lang. But they hate each other, that's not okay," saad ni Inday.
Inilarawan din ni Inday si Marjorie bilang matatag at may matinding paninindigan.
"Marjorie is very strong-willed. Sometimes, lampas sa normal because even I as a mother get it," dagdag niya.
Aminado rin si Inday na hindi sila palaging magkasundo ni Marjorie, ngunit nilinaw niyang mahal pa rin niya ang anak.
"I just feel like she loves me but parang hindi ako enough sa kaniya, parang may hinahanap siya sa akin na hindi ko alam kung ano. Kasi kung alam ko, ibibigay ko," aniya.
Sa kabila ng mga pahayag na ito, nagpadala pa rin si Marjorie ng mensahe ng pag-ibig sa kanyang ina.
"Mom, I want you to know that I love you. And I have learned to accept whatever kind of love you can give me. It's okay. In fact, I have surrendered to it. Instead of looking for affection and protection from you, I will pour all of my energy into being the best mom to my children," wika ni Marjorie.
Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag mula sa panig ni Inday Barretto hinggil sa naging reaksyon ng kanyang anak.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!