Nag-viral sa social media ang sagutan sa pagitan ng personal assistant ni Heart Evangelista at ni Vice Ganda matapos maglabas ng matapang na pahayag ang una laban sa komedyante. Ang isyu ay nagsimula nang banggitin ni Vice ang pangalan ni Heart sa segment na “Laro Laro Pick” ng It’s Showtime noong Biyernes, Oktubre 24, kung saan ibinahagi ng “Unkabogable Star” ang kanyang karanasan sa pagbisita sa probinsya ng Kapuso actress.
Habang nagkukuwento sa live show, tinukoy ni Vice ang kondisyon ng ilang paaralan sa naturang lugar at nanawagan siya sa mga awtoridad na pagtuunan ng pansin ang pagpapaganda ng mga pasilidad upang matulungan ang mga magulang at kabataang nagnanais makapag-aral. Subalit, tila hindi ito nagustuhan ng kampo ni Heart, lalo na ng kanyang personal assistant na si Resty Rosell, na agad bumuwelta sa social media.
Sa pamamagitan ng sunod-sunod na Instagram Stories, diretsahang sinagot ni Rosell si Vice Ganda at kinuwestiyon ang intensyon nito sa pagbanggit ng pangalan ng kanyang boss. Tinag pa mismo ni Rosell ang Instagram account ni Vice habang inilalabas ang kanyang sentimyento.
Ayon kay Rosell, kung layunin ni Vice na manawagan tungkol sa kakulangan ng mga pasilidad sa mga paaralan, dapat ay idinaan na lamang niya ito sa Department of Education (DepEd) at hindi na kailangan pang isingit ang pangalan ni Heart.
Aniya, “Vice, sa DepEd ka manawagan dahil may budget sila para sa mga school buildings at reading materials na sinasabi mo. Ano ang intensyon mo at binanggit mo pa ang pangalan ni Heart? Para lang may masabi? Kaloka!”
Hindi pa rito nagtapos ang kanyang buwelta. Sa isa pang post, sinabi pa ni Rosell na tila pinalalabas ni Vice na siya ang nagpatayo ng gusali, gayong isa lamang daw itong kontribyutor sa proyekto. “Nag-ambag ka lang pero kung makapagyabang ka, parang ikaw na ang nagpatayo ng buong building!” dagdag pa niya.
Upang patunayan ang kanyang punto, ibinahagi rin ni Rosell ang mga komento ng ilang tagasuporta ni Heart na pumapanig sa kanya. Isa sa mga ito ay nagsabing hindi umano si Vice ang responsable sa buong proyekto, kundi isa lamang sa mga nagbigay ng tulong. “Hindi ka nagpagawa ng paaralan o classroom, nag-ambag ka lang sa ongoing project ng PTA ng Bagacay Elementary School. 40% galing sa PTA at 60% galing sa’yo, @praybeytbenjamin,” ayon sa isa pang screenshot na ibinahagi ni Rosell.
Dagdag pa rito, tinuligsa rin ng mga fans ni Heart ang umano’y “pag-aangkin” ni Vice sa kredito ng proyekto. “Inako mo lahat ng credit, na-echapwera tuloy ang PTA na nagbigay rin ng kontribusyon. Tapos inilagay mo pa sa YouTube channel mo at monetized pa! Sikat ka na, kumita ka pa!” saad pa sa post na ibinahagi ni Rosell.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula kay Vice Ganda hinggil sa mga banat ni Rosell, ngunit patuloy pa ring umaani ng reaksiyon ang isyu online. May ilan na pumapanig kay Rosell, habang ang iba naman ay naniniwalang walang masamang intensyon si Vice sa kanyang naging pahayag.
Ang kontrobersiyang ito ay muling nagpapaalala kung gaano kabilis kumalat ang mga isyung may kinalaman sa mga kilalang personalidad, lalo na kapag ito’y nauugnay sa mga proyekto at public image. Habang wala pang malinaw na pahayag mula sa magkabilang panig, patuloy pa ring sinusubaybayan ng publiko kung mauuwi ba ito sa personal na pag-aayos o mas lalong lalala ang tensyon sa pagitan ng kampo nina Heart Evangelista at Vice Ganda.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!