Ikinagulat ng maraming tagasubaybay ng showbiz ang naging rebelasyon ni Carla Abellana tungkol sa kanyang kasalukuyang sitwasyong pinansyal. Sa isang press conference para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025, naging bukas at prangka ang aktres sa pagsasabing nahihirapan siyang tugunan ang kanyang obligasyon sa buwis ngayong taon, at aminado siyang kapos siya sa proyekto.
Sa harap ng mga miyembro ng media, ibinahagi ni Carla na mayroon siyang kailangang bayarang buwis na umaabot sa ₱364,000, at ito raw ay due na sa susunod na linggo. Sa kanyang diretsahang pagsasalita, kapansin-pansin ang pagiging totoo niya sa kabila ng kanyang status bilang isang kilalang personalidad.
“Nangangailangan po ako ng trabaho,” ani Carla habang pabirong sinagot ang tanong kung magiging abala siya sa buwan ng Disyembre. Umiikot kasi ang mga bali-balita na siya’y magpapakasal na sa kanyang boyfriend na isang doktor, ngunit agad niya itong pinabulaanan.
“Hindi po ako busy ng December. Naghahanap po ako ng work,” dagdag pa niya na sinundan ng tawanan mula sa mga naroon. Sa halip na mabigatan sa sitwasyon, pinili ni Carla na magpatawa at gawing magaan ang paksa.
Ayon sa aktres, bagama’t bahagi siya ng pelikulang “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins,” isa sa mga opisyal na kalahok ng MMFF ngayong taon, inamin niyang hindi ganoon karami ang promotional activities para sa proyekto. Aniya, “Tatlo lang po yata ang promo na na-assign sa amin para sa pelikula.” Ito raw ay malaking kabawasan hindi lang sa exposure kundi pati na rin sa kita.
Hindi rin niya pinalampas ang pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pangangailangan sa trabaho.
“Bigyan niyo po akong trabaho, please. Yes! Please po, more work. Wala na pong pangkain yung aking mga aso. Wala na pong pambayad ng tax ko next week. P364,000 po ang aking ano, hindi ko po alam kung saan pupulutin iyong aking pambayad sa tax,” aniya na muling umani ng simpatya at tawanan mula sa mga mamamahayag.
Ang nasabing pagbubunyag ay tila sumasalamin sa mas malawak na realidad na kahit mga artista ay hindi ligtas sa hamon ng kakulangan sa trabaho at obligasyong pinansyal. Sa kabila ng kanyang kasikatan, ipinakita ni Carla ang pagiging totoo at relatable — isang aktres na, gaya ng maraming Pilipino, ay patuloy na nagsusumikap upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging bukas si Carla sa kanyang personal na kalagayan. Ngunit sa pagkakataong ito, mas dama ng publiko ang kanyang pagiging matatag at mapagpakumbaba. Sa kabila ng kanyang pinagdaraanan, pinili pa rin niyang humarap sa publiko na may ngiti at pagpapatawa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!